NAKAPAGTALA ng 6.9 na porsiyentong paglago ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas sa ikatlong bahagdan (Hulyo-Agosto-Setyembre) ng kasalukuyang taon, pumapangalawa sa Vietnam na may 7.5 porsiyento, at dinaig ang China na may 6.8 porsiyento, habang 5.1 porsiyento naman ang sa Indonesia.
Sa unang bahagdan (Enero-Pebrero-Marso) ng taon, nasa 6.4 na porsiyento ang GDP ng bansa, na umakyat sa 6.7 porsiyento ikalawang bahagdan (Abril-Mayo-Hunyo). Hindi tumigil dito ang pag-unlad, ayon kay National Economic and Development Authority Secretary Ernesto Pernia. Umaalagwa ngayon ang mga pribadong pagkonsumo habang papalapit ang Pasko. Subalit ang pinakamalaking dahilan ng kaunlaran ay ang sumisiglang paggastos ng pamahalaan.
Marahil tama lang na asahan natin ang higit pang pag-alagwa ng ekonomiya ng bansa sa ikatlong bahagdan ng taon (Oktubre-Nobyembre-Disyembre), dahil sisimulan na ang administrasyong Duterte ang programa nito sa imprastruktura na “Build, Build, Build!”. Ito ang magiging pangunahing timon ng ekonomiya, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III.
Kabilang sa mga nakatakdang proyekto ay ang pagkumpleto sa Tutuban-Malolos-Clark railroad project na pinondohan ng China na inaasahang magsisimula sa Disyembre. Ang proyektong ito, na binuo noon pang panahon ng administrasyong Ramos, ay paulit-ulit na nabalam sa nakalipas na mga taon dahil sa mga hindi pagkakasundo sa usaping legal. Sa wakas ay naplantsa na ang isyu ngayong buwan, ayon kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade.
Ang rail project ay isa sa 11 naaprubahan sa unang bahagi ng taong ito. Kabilang din dito ang Mindanao Railroad Project, Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project, Clark International Airport Expansion Project, Chico River Pump Irrigation Project, Unified Grand Central Station ng tatlong light rail line sa Metro Manila, at ang Kaliwa Dam Project. Inaasahang makukumpleto bago matapos ang taong ito ang P10.5-bilyon North Luzon Expressway Harbor Link Segment 10.
Ang posibleng pinakamalaking single project ay ang P227-bilyon Mega Manila Subway na mag-uugnay sa Quezon City, Mandaluyong, Pasig, at Taguig, na gagamitan ng teknolohiya at sa ayuda ng Japan.
Ang lahat ng proyektong ito ay bahagi ng tatlong-taong programang “Build, Build, Build!” simula 2018 hanggang 2020, na tinatayang gagastusan ng P3.6 trilyon. Magkakaloob ang mga proyektong ito ng mga trabaho, pasisiglahin ang mga negosyo, at magpapatayo ng mga kalsada, tulay, dam, pampublikong pasilidad, paliparan at pantalan, eskuwelahan, at iba pang pampublikong gusali, na magkakaloob ng pundasyon para sa higit pang pagpapaunlad ng pambansang ekonomiya sa mga susunod na taon.
Ang 6.9 porsiyentong paglago ng GDP sa ikatlong bahagdan ng taon ay isang positibong hudyat ng mas mabubuti pang mangyayari, hindi lamang sa pambansang ekonomiya, kundi sa pangkalahatang sitwasyon ng ating bansa at ng ating mamamayan.