Ni: Mario B. Casayuran
Hiniling nina Senador Panfilo M. Lacson at Riza Hontiveros ang tapat na bilang ng drug users sa bansa dahil ang kasalukuyang numero na ‘’three to four million’’ ay ibinase sa ‘’guesstimate.’’
Ito ay kasunod ng budget debate nitong Huwebes ng gabi kung saan hiniling ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang P15 milyong pondo mula sa Senate Finance Committee upang matukoy ang tamang bilang ng drug users sa bansa dahil ayon sa dalawang senador makakaapekto ito sa budgeting process ng pambansang pamahalaan.
Nagsuhestiyon si Lacson sa DDB na gamiting mabuti ang hiling na P15M pondo sa pagkuha ng mapagkakatiwalaang survey firm ‘’so we can, more or less, be certain whenever we deal with the figures.’’
Iginiit ni Hontiveros na mahalagang matukoy ang tunay na bilang dahil magkakaroon ito ng epekto sa budget ng ibang ahensiya, tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Department of Health (DOH). “We cannot just plan the country’s national budget based on a guesstimate,’’ aniya.