NI: Bert de Guzman
NOONG panahon ni ex-President Noynoy Aquino aka PNoy, may tinawag na mga bayani, ang SAF 44 na napatay sa Mamasapano encounter. Ngayon namang panahon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte, may tinatawag na Mga Bayani ng Marawi City. Sila ang mga kawal at pulis na nakipagbakbakan sa teroristang Maute Group.
Mga Bagong Bayani rin ang libu-libong overseas Filipino workers (OFW) na nagpapadala ng bilyun-bilyong US dollar sa kanilang mga kaanak at nagsisilbing suhay sa gigiray-giray na ekonomiya ng ating bansa. Marami tayong mga bayani sa Pilipinas na dapat ay kilalanin at itampok.
Mukhang nagkakasundo sina US Pres. Donald Trump at PH Pres. Duterte na parehong “unorthodox” ang pamamahala at pakikitungo sa mga mamamayan at maging sa media. Hindi tulad ni ex-US Pres. Obama na nakatikim ng mura at “son of a bitch” mula kay PRRD, si Trump ay pinupuri ni Mano Digong dahil hindi nakikialam sa kanyang kampanya kontra droga.
Sa katunayan, ang isyu tungkol sa extrajudicial killings o EJK ay hindi tinalakay nang magkausap sila ni Trump sa Vietnam. Magaling “maglaro” si Mang Donald kumpara kay Tata Barack na magtatanong sana sa human rights sa ‘Pinas noon. Namura tuloy siya.
Gayunman, may ulat na baka si Canadian Prime Minister Justin Trudeau ay banggitin ang EJK kay PDu30 kapag nagkaharap sila. “There are a range of issues that I could bring up, and I may bring the killings up if I have the opportunity, but there is no formal meeting with him,” sabi ng poging si Trudeau na certified Jolibee food products fan pala. Paalala kay Mr. Trudeau: Mag-ingat ka na banggitin ang EJK at human rights kay PRRD. Baka murahin ka rin.
Hindi pala kinumbida si Vice Pres. Leni Robredo sa gala dinner ng mga lider Asean Summit 2017 na ang host ay si Pres. Rody. Wala ring role si VP Leni sa welcome ceremony sa pagdating ng ilang lider na lumapag sa Clark International Airport. Ang welcome ceremony ay kalimitang ipinagkakaloob sa vice president sa nakalipas na mga administrasyon. Sa halip, si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ang sumalubong kina Cambodian Prime Minister Hun Sen at Myanmar State Counsellor Aung San Sui Kyi.
Kung may isang Kalayaan na pinakahahangad ngayon ang mga Pilipino, ito ay ang KALAYAAN SA... TRAPIKO. Araw-araw na lang ang problema sa bigat ng daloy ng trapiko, lalo na sa Edsa. Panay pa ang aberya ng MRT3.
Talaga yatang dumaranas ng matinding karma si Sen. Leila de Lima. Hindi pinayagan ng Philippine National Police na madalaw ng tatlong opisyal ng isang bloke ng European Union ang nakakulong na senadora. Siyempre, ang pagtanggi ng PNP na madalaw si De Lima ay may “kumpas” ng Pangulo. Nais alamin ng tatlong opisyal ng EU ang kalagayan at kaso ni Delilah, este De Lima.