Ni Jonas Reyes
Subic Freeport, gold medalist sa Sports Tourism.
SUBIC BAY FREEPORT – Malaparaisong kapaligiran. Sariwang hangin at malinaw na karagatan.
Tunay na mahahalina ang sinuman sa kagandahan at kayumihan ng Subic.
Ngunit, sa pagkakataon ito, hindi lamang ang magandang tanawin ang ipagmamalaki ng SBMA.
Itinanghal na Best Sports Tourism Destination of the Year ang Subic sa isinagawang 3rd Sports Industries Awards and Conference Asia (SPIA Asia) nitong Martes sa Bangkok, Thailand.
Tangan ang temang ‘Funtastic Subic Bay’, nakopo ng Subic Bay Metropolitan Authority ang Gold award laban sa Visit Victoria (silver) at Amazing Thailand (bronze) sa Best Sports Tourism Destination of the Year category.
Tinaguriang “Triathlon Capital of the Philippines”, tanyag ang premyadong Freeport sa pagho-host ng mga prestihiyosong triathlon competitions tulad ng K-Swiss ITU, 5150 at Ironman 70.3. At sa Hunyo ng darating na taon, nakatakdang ganapin sa Subic ang kauna-unahang Full Ironman.
“This is an accomplishment for Team Subic Bay since every stakeholder gave their full support and best service and performance every time we had a sporting event,” pahayag ni SBMA Tourism Manager Jem Camba.
Pinasalamatan din ni Camba ang pamunuan ng Department of Tourism Region 3 at si Philippine Tourism Director Ronnie Tiotuico na malaki ang naitulong para mapaganda ang imahe ng Subic bilang pangunahing sports destination.
Bukod sa Gold award, nakuha rin ng SBMA ang Silver award sa Best Sponsorship of a Sport, Team or Event (USD$250,000).
Noong 2016, nakakuha ang Subic Bay Freeport ng 85.80 percent sa 2015 Ironman 70.3 APAC Overall Satisfaction Scores.
Sa naturang taon, ang race ranking ay may .09 percent ng global standards, sapat para makaalpas sa Asia-Pacific standard na 83.95 percent.
Ang 2015 Ironman 70.3 APAC Overall Satisfaction Scores ay nagdala sa Subic sa No.6 bilang ‘best triathlon sites’ sa Asia Pacific Championship.
Nanguna ang Sunshine Coast sa Queensland, Australia na may satisfaction rating na 90.20 percent, kasunod ang Western Sydney at Korea na nagtabla sa ikalawang puwesto na may 89 percent; at ikatlog ang Mandurah sa Western Australia (88.30); Auckland, New Zealand (88) at Busselton, Western Australia (85.99).
Ang Subic Bay at Cairns sa Queensland, Australia ay nagtabla sa No.6 sa rating na 85.80 percent — gahibla ang layo sa global average na 85.89 percent.