Ni: Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

2 n.h. -- FEU vs NU

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

4 n.h. -- Ateneo vs UP

MAKALAPIT sa inaasam na elimination round sweep ang tatangkain ng league leader Ateneo de Manila sa pagsagupa sa University of the Philippines sa tampok na laro ngayong hapon sa second round ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.

Hawak ang malinis na barahang 12-0, kakailanganin na lamang ng Blue Eagles na makaulit sa UP Fighting Maroons at defending champion De La Salle University Gree Archers para makumpleto ang 14-game elimination sweep at awtomatikong makausad sa championship round.

Ganap na 4:00 ng hapon nakatakda ang sagupaan ng Blue Eagles at Maroons para sa huling pagtutuos ngayong season pagkatapos ng unang salpukan sa pagitan ng season host Far Eastern University at ng National University na sisikapin pa ring buhayin ang gahiblang tsansang umabot ng playoffs ganap na 2:00 ng hapon.

Kapag nanalo, mas aagwat ang Tamaraws sa kanilang pinakamalapit na kaagaw sa nalalabing Final Four spot na UP Fighting Maroons na naiiwan nila ngayon ng isang panalo sa hawak nitong 5-7, kumpara sa patas na markang 6-6 ng una.

Mangangahulugan din ang panalo ng Tamaraws ng pormal na pagkalaglag ng Bulldogs sa kontensiyon.

Taglay ang markang 4-8, kinakailangan ng Bulldogs na maipanalo ang natitirang dalawang laro at umasang matalo ang UP at ang FEU sa huling dalawa nilang laro upang makapuwersa ng playoff.

Kaya naman inaasahan ang dikdikan at umaatikabong aksiyon sa nakatakdang dalawang laban ngayong hapon lalo pa’t kapwa nakasalalay sa magiging resulta nito ang kapalaran ng tatlong koponan.

Sa panig ng Blue Eagles, gagamitin nilang preparasyon para sa muli nilang pagtutuos ng Green Archers sa pagtatapos ng second round sa darating na Linggo -Nobyembre 12 ang laban nila ngayon kontra Maroons.