Nina AARON B. RECUENCO, BELLA GAMOTEA, MARY ANN SANTIAGO, FER TABOY at ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN

Magsasanib-puwersa ang intelligence community ng lokal na pulisya at ilan sa top intelligence units ng mundo para tiyakin ang kaligtasan at katiwasayan ng 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Meetings sa bansa sa susunod na linggo.

Sinabi ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa kanilang counterparts, partikular sa ang mga lider ay tutungo sa Pilipinas para dumalo sa top-level meetings.

Magtatalaga ang PNP ng 19,000 pulis para magbantay sa mga pagdarausan ng ASEAN summit. Ang mga pulis na ito ay kabilang sa 60,000-strong multi-agency forces mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pa na pinakilos para sa mga pagpupulong sa susunod na linggo.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Bilang bahagi ng seguridad, idineklara ng Malacañang ang tatlong araw na special non-working days ang Nobyembre 13,14 at 15 sa National Capital Region (NCR), Bulacan at Pampanga , habang inaprubahan ng Metro mayors ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila sa Nobyembre 16 at 17.

Sinabi ni Dela Rosa na ang kanyang mga tauhan ay sumailalim sa halos isang taong pagsasanay at paghahanda para sa mga pagpupulong ng ASEAN na inaabla ng Pilipinas ngayong taon.

“So I just want to say to the public that they should be rest assured that your PNP is ready for this,” diin ni dela Rosa.

Tiniyak din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kaligtasan ng publiko sa pagtatalaga ng “best forces” summit venues.

Ayon kay AFP spokesperson Major General Restituto Padilla Jr., ang Joint Task Force National Capital Region (JTF-NCR) na pinangungunahan ni Brigadier General Jesus Manangquil Jr. ang magiging lead security unit na mamamahala sa event.

Kahapon nagtipun-tipon ang 60,000 strong force para sa “send-off ceremony” sa Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila.

Dumalo sa seremomya sina Executive Secretary Salvador Medialdea, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Department of Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Catalino Cuy, ASEAN 2017 National Organizing Council head Marciano Paynor, PNP chief dela Rosa, National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Oscar Albayalde, Southern Police District (SPD) Director Tomas Apolinario Jr. at iba pang opisyal mula sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Sa press briefing, tiniyak ni Cuy, chairman ng ASEAN Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Response, na nakalatag na ang mahigpit na seguridad na inihanda nila laban sa lahat ng posibleng physical at cyber threats sa summit.

Magkakaroon aniya ng lockdown sa mga lugar kung saan magpupulong ang mga delegado, gayundin sa mga hotel na tutuluyan ng mga ito, bagamat wala namang plano na i-jam ang signals, tulad ng ginawa noong dumalaw sa bansa si Pope Francis.

Ipinabatid ng MMDA na epektibo pa rin ang number coding scheme sa Nobyembre 13 hanggang 17 para limitahan ang dami ng mag sasakyan na bibiyahe sa metropolis sa panahon ng ASEAN summit.