Inireklamo at ipinakulong ng propesor at ng opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang Grab driver, dahil sa umano’y pagiging arogante sa Valenzuela City kamakalawa.

Ayon kay SPO1 Josefino Pagtama, ng Station Investigation Unit (SIU), kasong two counts of unjust vexation ang isinampa laban kay Allen Pingol Reyes, 35, ng No. 145 Catindig Street, Guiguinto Bulacan, matapos ihabla nina Anne Edralyn Dela Cruz, 28, propesor; at Ma. Rosario Catubao, 33, medical specialist sa DSWD, kapwa ng No. 366 Tangke St., Barangay Malinta, Valenzuela City.

Sa sinumpaang salaysay nina Dela Cruz at Catubao, nagpa-book sila sa Grab para magpahatid sa Scout Chuatico, Quezon City.

Bandang 12:35 ng tanghali, dumating si Reyes at huminto sa La Consolacion College sa Bgy. Malinta at sumakay ang mga biktima.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sinabi umano ni Dela Cruz na sa Malabon sila dumaan dahil nakita nito sa WAZE application na mas madali silang makararating sa pupuntahan.

Hindi pumayag si Reyes at sinabing sa North Luzon Expressway (NLEX) ang tamang daanan at siya umano ang dapat masunod dahil siya ang driver.

Nangatwiran ang mga biktima at sinabing hindi nila babayaran ang toll fee dahil wala naman ito sa kanilang kontrata.

Lalo umanong nainis si Reyes at sinabing, “Bakit ako ang magbabayad hindi naman ako ang pasahero?”

Sa puntong iyon, pinahinto ni Dela Cruz ang sasakyan at sinabing bababa na lang sila at ika-cancel na ang kontrata.

Sumagot umano si Reyes ng, “Na-accept ko na kayo kaya hindi na pwede ang cancel,” sabay harurot.

Binuksan ni Dela Cruz ang bintana ng sasakyan at nagsisigaw na nakatawag pansin sa traffic enforcer kaya pinara ang kanilang sasakyan at dinala sila sa presinto. - Orly L. Barcala