NI: Mar T. Supnad

ORION, Bataan – Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng siyam na buwang suspensiyon ang alkalde ng Orion, Bataan sa kinahaharap nitong mga kaso ng grave abuse of authority at gross misconduct.

Batay sa pitong-pahinang desisyon na nilagdaan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong Setyembre 27, 2017, ipinag-utos ang siyam na buwang suspensiyon ni Orion Mayor Antonio “Tonypep” Raymundo, Jr. nang walang suweldo makaraang mapatunayang guilty sa oppression.

Ibinasura naman ang mga kasong grave misconduct at gross neglect of duty laban sa alkalde.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ni Carmelita Waje, municipal budget officer, na naghain ng asunto laban kay Raymundo para sa “conduct prejudicial to the best interest of the service, grave abuse of authority, grave misconduct and gross neglect of duty.”

Hulyo 2, 2013 nang sinibak ni Raymundo si Waje sa puwesto nito at inilipat sa ikatlong palapag ng munisipyo sa hindi malamang dahilan.

Hindi rin umano ibinigay ng alkalde ang Representation and Transportation Allowance (RATA) ni Waje, at hindi rin ito binigyan ng mga gamit sa opisina.

Dahil dito, pagsapit ng Hulyo 31, 2013 ay naghain si Waje ng kasong administratibo sa Civil Service Commission (CSC) laban kay Raymundo—na mariin naman nitong itinanggi.

Gayunman, Hunyo 25, 2014 nang nagdesisyon ang CSC pabor kay Waje, at inatasan si Raymundo na ibalik ito sa puwesto—pero hindi tumalima ang alkalde.

Kasunod nito, nagpasya na si Waje na maghain ng kaso sa Ombudsman.