Ni: Marivic Awitan

POSIBLENG istratehiya na rin ang naging bentahe ng San Sebastian College para manatiling buhay ang kampanya sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament.

Para kay Letran coach Jeff Napa, kumpiyansa siyang may magandang bukas ang Letran Knights sa susunod na season. Halos buo ang line-up ng Knights dahil tanging mawawala sa kanila ay si Rey Nambatac at mayroon pa silang mga mahuhusay na recruits para sa darating na NCAA Season 94 para sa ikatlong taon ni Napa bilang coach.

Gayunman, hindi pa rin niya naitago ang pagkadismaya sa naging resulta ng laro. “Mahirap manalo ng may 15 missed free throws. Daming crucial stops na hindi na-execute. That’s why siguro ganun yung turnaround,” pahayag ni Napa matapos silang talunin ng Stags,74-69, nitong Martes sa stepladder semifinals sa MOA Arena.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Nung nagka-run kami, same thing, pagpalit ng tao, nag-change ng complexion. Hindi ko naman na-call na ‘yan e. May mga unnecessary na nangyari, nagkaroon tuloy ng momentum ang kalaban,” dagdag nito.

Ngunit, mabilis din niya itong isina-isantabi sa pagtanaw sa maganda nilang hinaharap sa susunod na taon taglay ang malakas na line -up.

Kabilang sa mga inaasahang dadagdag sa firepower ng Knights sina dating University of the East guard Bonbon Batiller, dating College of St. Benilde player Christian Fajarito , Larry Muyang mula La Salle, dating Batang Gilas stand-out Fran Yu at dating St. Clare shooter Coy Galvelo.

Sila ang mga makakatuwang ng mga natirang core ng team na sina Bong Quinto, JP Calvo, Jerrick Balanza at Jeo Ambohot. .

“One thing’s for sure, my target next year is to become a champion,” ang matapang na lahad ni Napa.