Ni Marivic Awitan
SA kanyang pamumuno upang makumpleto ng Lyceum of the Philippines University ang makasaysayang elimination round sweep ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament, napili si Mike Nzeusseu para maging Chooks-To-Go NCAA Press Corps Player of the Week.
Nagtapos ang Cameroonian slotman ng 27 puntos, 21 rebounds, at 2 blocks nang talunin ng Pirates ang San Beda sa double overtime, 107-105, nitong Huwebes para maitala ang 18-0 marka.
Dahil sa sweep, awtomatikong umusad ang LPU sa best-of-three finals kung saan haharapin nila ang magwawagi sa stepladder playoffs na magsisimula sa Martes sa Mall of Asia Arena.
Maliban kay CJ Perez, bahagi si Nzeusseu ng malaking pagbabago ng LPU mula sa pagiging NCAA dormants bilang title contenders matapos magtala ng Season 92 Rookie of the Year ng average na 11.4 puntos, 11.8 rebounds, at 1.2 blocks ngayong season.
“It’s really special,” ani LPU coach Topex Robinson. “I think what transpired here is not just us but the whole LPU community - the culture, the tradition with LPU. It’s just something that I’m so grateful for.”
Laking pasasalamat din ni Robinson sa buong pusong pagsasakripisyo ni Nzeusseu para lamang makatulong na maipanalo ng Lyceum ang kanilang mga laban.
Katunayan, walang gatol na sinabi ni Nzeusseu na mas mahalaga sa kanya ang mapagkampeon ang LPU kesa magwagi ng individual award partikular ang MVP.
Inungusan ni Nzeusseu ang kakamping si Perez at si Rey Nambatac ng Letran para sa lingguhang citation.