Kinontra ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang diumano’y pangingialam ng Inter-Parliamentary Union (IPU) sa kaso ng nakakulong na si Senador Leila de Lima.
Ito ay matapos magrekomenda ang IPU na magpadala ng observer para bantayan ang kaso ni De Lima.
Ayon kay Andanar, ang hirit ng IPU na magpadala ng observer ay isang klasikong halimbawa ng pambu-bully at hindi dapat pahintulutan ng pamahalaan ang ganitong pangingialam sa mga gawain ng bansa.
“The Inter-Parliamentary Union (IPU)’s recommendation to send an observer to monitor the case of Senator Leila de Lima is a classic example of bullying. We should stand up to this kind of meddling into our domestic affairs,” saad sa pahayag ni Andanar.
“Their intent is not to merely observe De Lima’s trial by our laws, but to meddle in our democratic as well as judicial processes,” dugtong niya.
Kinontra rin ni Andanar ang diumano’y patuloy na mga pahayag ng IPU na inilalarawan ang Pilipinas na isang bansang walang kinikilalang batas.
“Over and over, pronouncements from the IPU portray the Philippines as a lawless nation when there is abundant evidence to the contrary,” aniya.
Nitong Abril lamang, nanawagan ang IPU ng fact-finding mission sa Pilipinas matapos itong magpahayag ng pagkabahala sa sitwasyon ni De Lima. Nang sumunod na buwan binisita ng mga miyembro nito ang senadora.
Bukod pagbisita kay De Lima, siniyasat din ng mga kasapi ng IPU human rights committee ang diumano’y extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang IPU sa mga pahayag nina Pangulong Rodrigo Duterte at Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na sa palagay ng organization ay inilalarawan nang guilty si De Lima nang hindi pa nagsisimula ang paglilitis.
“The delegation considers that their statements, first and foremost, those of the Head of State, forcibly carried great weight and may put undue pressure on the course of the criminal cases,” saad ng IPU. - Argyll Cyrus B. Geducos at Beth Camia