Ni NONOY E. LACSON

ZAMBOANGA CITY – Isang kaanak ng napatay na Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon at dalawa pang miyembro ng grupo ang sumuko sa militar kasunod ng pinaigting na opensiba laban sa mga terorista sa Basilan.

Sinabi ni Joint Task Force Basilan commander Col. Juvymax Uy na sumuko sina Ben Salina Sapilin, alyas “Ben”, pinsan ni Hapilon; Rami Ben Sapilin, alyas “Atik”; at Muhamadendeng, alyas “Aburay”, sa militar sa Barangay Macalang sa Albarka, Basilan bandang 4:00 ng hapon nitong Martes, o isang araw makaraang mapatay si Hapilon sa Marawi City.

Ayon kay Uy, isinuko rin ng grupo ni Sapilin ang isang M16 A1 rifle, isang .30 caliber M1 Garand rifle, at isang M79 rifle.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dagdag pa ni Uy, si Rami Ben Sapilin, ay tauhan ng Abu Sayyaf sub-leader na si Nurhasan Jamiri, habang tauhan naman ni Furudji Indama si Muhamadendeng.

“Sapilin and his companions are currently in the custody of the 74IB for the debriefing to be facilitated by our intelligence units,” sabi ni Lt. Col. Jonas Templo ng 74th Infantry Battalion.

Nauna rito, bandang 4:25 ng umaga nitong Lunes nang maaresto ng mga sundalo at pulis, sa bisa ng search warrant, ang miyembro ng Abu Sayyaf na iniuugnay sa Sipadan kidnapping.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Army Capt. Jo-Ann Petinglay na dinakip si Mansur Radallan, 37, sa Manggal Drive sa Barangay Baliwasan sa Zamboanga City.

Ayon kay Petinglay, sangkot si Radallan sa 2001 Sipadan kidnapping at sa bigong pagdukot kay Dr. Armando Iturralde sa Bgy. Talon-Talon, Zamboanga City noong 2015.

Nasamsam umano mula kay Radallan ang isang rifle grenade at mga gamit sa paggawa ng pampasabog.

Batay sa datos ngayong taon, may kabuuang 124 na miyembro ng Abu Sayyaf na ang sumuko sa gobyerno. Sa nasabing bilang, 68 ang sumuko sa Basilan, 33 sa Sulu, 21 sa Tawi-Tawi, at dalawa sa Zamboanga City.