Ni: Ric Valmonte

AYON kay Pangulong Duterte, sa kabila ng welgang ginagawa ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), desidido siyang ipairal ang jeepney modernization program: “Ito ang aking gagawin, mag-modernize kayo o ibenta ninyo ang inyong jeepney sa junkshop. Sa isang taon, ayoko nang makita kahit isang PUJ (sa mga kalye) kasi kapag nakakita ako, aarestuhin kayo. Huwag na kayong lumaban, nagsasabi ako ng totoo, ito ang batas,” wika niya sa Marawi City nang ideklara niyang malaya na ang siyudad sa mga terorista.

Ang kasalukuyang uri ng PUJ, aniya, ay nilalason ang taumbayan, lalo na iyong mahihirap. Nagamit at na-overhaul na raw ang makina ng mga ito kaya dapat lang na maalis na. Smoke belchers daw ang mga ito, at ang mahihirap na walang kotse o air-con ay nalalanghap ang usok.

Ang problema nga sa modernization program ay iyong masalapi lang ang makakalahok dito. Kasi, ang bawat operator ay inoobligang magkaroon ng 10 jeepney bago mabigyan ng prangkisa. Ang bawat jeepney ay nagkakahalaga ng P1.6 milyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kaya kinakailangan na ang bawat operator na mabibigyan ng prangkisa ay may P16 milyon para sa 10 jeepney at P4 milyon para sa pagpaparehistro ng mga ito.

Totoong may government subsidy na P80,000 para sa isang jeepney. Sa ilalim ng modernization scheme, ang subsidiyang ito ay mapapasakamay ng operator, hindi ng kanyang mga driver. Kahit ang operator ay papayagang magkaprangkisa para sa isang jeepney, ayon kay PISTON President George San Mateo, napakamahal para kayanin niya ang P1.6 milyon, kahit

may government subsidy at ibenta ito nang hulugan sa loob ng pitong taon. Kasi, P27,000 naman ang tubo buwan-buwan.

Pero, ang sabi ng Pangulo: “Kayong maliliit na operator, huwag kayong matigatig tungkol sa paglalabas ng malaking pera. Kung hindi ninyo kaya, okay lang sa akin kahit magbayad kayo ng P1 bawat araw.”

Hindi kaya biro ito, hyperbole, o fake news? Kasi gawa na ang jeepney modernization program at sinabi na nga ng Department of Transportation ang pamamaraan ng pagpapairal nito kabilang na kung paano gagastusin ang inilaang P417 bilyon para sa proyektong ito. Kaya nga nagwelga na ang PISTON.

At ikakasa nito ang higit na malawakan at matinding kilos-protesta sa harap ng pagbabanta ng Pangulo sa halip na pag-aralan at isaalang-alang ng programa ang kanilang reklamo para sa ikabubuti ng lahat.