Ni: Vanne Elaine P. Terrazola

Hindi makakaligtas ang mga senior member ng Aegis Juris fraternity na nagplanong pagtakpan ang kanilang mga “brod” na sangkot sa pagpatay sa freshman law student na si Horacio “Atio” Castillo III sa rekomendasyon ng Senado sa mga dapat papanagutin sa krimen.

Bagamat hindi pa tapos ang imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa pagkamatay sa hazing ng 22-anyos na estudyante ng University of Sto. Tomas (UST), sinabi ni Senator Panfilo Lacson, chairman ng komite, na irerekomenda niyang papanagutin din ang mga nagsabwatan upang makaiwas sa asunto ang mga pumatay kay Castillo.

Aniya, hindi lamang ang mismong pumatay kay Castillo ang dapat na parusahan kundi maging ang mga frat elder na mapatutunayang nagsabwatan upang maligtasan ng mga suspek ang krimen.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“Puwedeng ipaloob sa committee report kung anong gagawin sa abogado na senior members na naging part ng pagko-cover-up… ‘Pag cover-up, lumalabas na accessory,” sinabi ni Lacson sa isang panayam sa radyo kahapon.

Sa pagdinig nitong Miyerkules, isinapubliko ni Manila Police District (MPD) chief Supt. Joel Coronel ang usapan sa Facebook chat ng 18 miyembro ng Aegis Juris, tungkol sa kung ano ang susunod nilang gagawin pagkatapos mamatay ni Castillo.