Arellano Chiefs, pasok sa playoff; EAC Generals, nakahirit.

NASIGURADO ng Arellano University ang playoff para sa No.4 ng Final Four, habang tinapos ng Emilio Aguinaldo College Generals ang kampanya na taas-noo sa maaksiyong Martes sa NCAA Season 93 men’s basketball second round kahapon sa Fil-Oil Flying V Center sa San Juan City.

Nakaulit ang Chiefs sa Mapua Cardinals, 81-64, para makuha ang karapatan na makalaro sa playoff, habang tinapos ng Generals ang mapait na kampanya sa pahirapang 83-81 desisyon kontra Pepetual Help.

Tinapos ng Chiefs ang elimination na may 9-9 karta, tampok ang apat na sunod na panalo sa kabila ng hindi paglalaro ng na-injured na star guard na si Kent Salado.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Makakusad ang Chiefs sa Final Four nang wala nang dagdag hirap sakaling mabigo ang Letran at San Sebastian sa kani-kanilang laro sa huling aksiyon sa elimination.

Naglalaro ang Knights kontra sa sibak ng St. Benilde Blazers habang isinusulat ang kaganapan, habang mapapalaban ang Stags sa Perpetual Altas sa Huwebes.

Pinangunahan nina Levi de la Cruz at Lervin Flores ang ratsada ng Chiefs sa unang bahagi ng laro kung saan umabante ang Arellano ng 11 puntos. Umabot sa 21 puntos ang abante ng Chiefs sa second half.

“Medyo struggling kami kasi siyempre, nagstruggle kami sa chemistry dahil wala si Kent,” sambit ni coach Jerry Codinera.

“Ang upside is others now have a chance to work within the system without Kent. Still, yung teamwork parin and yung belief ang dapat andun,” aniya.

Hataw si Dela Cruz, pumalit sa posisyon ni Salado, sa naiskor na 20 puntos at limang assists, habang kumubra si Flores ng 14 puntos, pitong rebounds ang apat na assists.

Nanguna si Christian Bunag sa Cardinals na may 22 puntos.

Sumandig ang Generals sa outside shooting ni Jerome Garcia, kuman ng 10 puntos tampok ang back-to-back three-pointer, sa huling 38.8 segundo para putulin ang five-game skid.

Tumapos ang Generals na may 7-11 karta, habang lungaygay ang Altas sa 4-13.

Kumana naman ang graduating na si Sydney Onwubere ng 15 puntos, siyam na rebounds at apat na assists.

“Yun yung focus namin this season pero yun nga. At least, nalagpasan namin yung record namin last year. Hopefully, for the guys, makatulong to for next year,” sambit ni Onwubere.

Nanguna si Prince Eze sa Altas sa naiskor na 21 puntos at siyam na rebounds.

Iskor:

(Unang laro)

EAC (83) - Garcia 22, J. Mendoza 17, Onwubere 15, Bugarin 12, Bautista 6, Diego 6, Neri 3, Tampoc 2, Corilla 0, I. Mendoza 0.

Perpetual (81) - Eze 21, Ylagan 17, Yuhico 13, Coronel 10, Dagangon 7, Lucente 4, Pido 4, Tamayo 3, Sadiwa 2.

Quarterscores: 25-19; 37-39; 64-59; 83-81.

(Ikalawang laro)

Arellano (81) - Dela Cruz 20, Flores 14, Nicholls 11, Alcoriza 8, Cañete 6, Enriquez 6, Viloria 5, Meca 4, Taywan 4, Abanes 3, Concepcion 0, Ongolo Ongolo 0, Padilla 0, Filart 0.

Mapua (64) - Buñag 22, Pelayo 9, Victoria 8, Gabo 7, Estrella 6, Orquina 5, Raflores 4, Jimenez 3, Aguirre 0.

Quarterscores: 17-13; 39-28; 58-48; 81-64.