Ni: Marivic Awitan
Mga laro ngayon
(Fil Oil Flying V Center)
8 am EAC vs. Perpetual (jrs)
10 am Mapua vs. Arellano (jrs)
12 pm EAC vs. Perpetual (srs)
2 pm Mapua vs. Arellano (srs)
4 pm Letran vs. St. Benilde (srs)
6 pm Letran vs. St. Benilde (jrs)
Letran at Arellano, asam ang playoff sa NCAA cage tilt.
BAWAL kumurap. Walang dapat masayang na sandali para sa Arellano University at Letran.
Patatatagin ng Chiefs at Knights ang katayuan para sa playoff sa nalalabing Final Four slots sa pakikipagtuos sa kapwa sibak nang karibal sa penultimate date ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.
Mauunang sasalang ang last season runner up Chiefs sa ikalawang laban ganap na 2:00 ng hapon kontra sa Mapua University Cardinals matapos ang unang salpukan ganap na 12:00 ng tanghali na isang no bearing match sa pagitan ng Emilio Aguinaldo College at University of Perpetual Help.
Sasalang naman ang Knights sa tampok na seniors match ganap na 4:00 ng hapon kontra sa sibak ng College of St. Benilde Blazers.
Kasalukuyang nasa three-way tie sa 4th spot at nag-aagawan sa huling Final Four berth ang Chiefs at ang Knights kasama ng season host San Sebastian College Stags taglay ang barahang 8-9.
Huling laro ng San Sebastian ang Mapua Cardinals sa Huwebes.
At kung magwawagi rin ang Stags, magtatapos na three-way tie sa ika-apat na posisyon. Maghaharap sa isang knockout game ang dalawang koponan na may mas mababang quotient at ang mananalo ay lalaban sa team na may pinakamataas na quotient para makamit ang pang apat na semifinals berth.
Magtatangka ang Chiefs na maulit ang 91-82 panalo kontra Cardinals noong opening day habang babawi naman ang huli upang makaiwas na muling tumapos na kulelat ngayong taon.
“As I keep saying, we have to step up and find ways to fill that void,” sambit ni Arellano coach Jerry Codinera.
Hangad din ng Knights na duplikahin ang 92-76 na tagumpay kontra Blazers na ayaw ding tumapos na pinakahuli ngayong season sa Laban nila noong nakaraang Agosto 3 sa Letran gym.