Ni: Ben R. Rosario
Bumoto kahapon ang Kamara upang ma-impeach si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista, ilang oras makaraang ihayag nito ang pagbibitiw sa puwesto sa pagtatapos ng taong ito.
Sa positibong boto na 75 at 137 na negatibo, nagkasundo ang Mababang Kapulungan na pawawalang-bisa ang report at resolusyon ng Committee on Justice na nagrekomenda ng pagbasura sa impeachment complaint laban kay Bautista dahil sa “insufficiency in form”.
Kasabay ng pagbasura sa House Resolution 1397 sa ilalim ng Committee Report 429, sumang-ayon ang Kamara na buuin ang impeachment complaint na inihain nina dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras at Atty. Ferdinand Topacio para sa articles of impeachment.
“I am directing the Committee on Justice to prepare the articles of impeachment for filing before the Senate,” sabi ng tumayong presiding officer na si Deputy Speaker Raneo Abu.
Pinangunahan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang 137 bumoto ng “no” upang manindigan na “serious” ang mga alegasyon laban sa Comelec chief.
Inakusahan nina Paras at Topacio si Bautista ng betrayal of public trust, paglabag sa Konstitusyon, at direct bribery, kaugnay ng mga akusasyon sa poll chief ng mismong asawa nitong si Patricia, na nagsabing nagkamal ng P1 bilyon ill-gotten wealth si Bautista simula nang maglingkod sa pamahalaan.