Ni MALU CADELINA MANAR

KIDAPAWAN CITY – Patay ang isang district supervisor ng Department of Education (DepEd) makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang riding-in-tandem habang sakay sa kanyang motorsiklo Midsayap, North Cotabato nitong Lunes.

Kinilala ni Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato Police Provincial Office, ang biktimang si Bernard Viloan, southwest district supervisor ng DepEd sa Midsayap.

Ayon kay Supt. Tayong, sakay si Viloan nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek, gamit ang .45 caliber pistol.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Wala pang motibo ang pulisya sa pagkamatay ni Viloan.

Kasabay nito, nakaligtas naman sa kamatayan ang isang kawani ng kapitolyo makaraang dalawang beses na barilin habang papasok sa opisina sa Arakan, bandang 6:00 ng umaga nitong Lunes.

Kinilala ni Senior Insp. Arjay Celeste, hepe ng Arakan Municipal Police, ang biktimang si Helen Andres, ng Barangay Doruluman, Arakan.

Batay sa imbestigasyon, nagmamaneho ng motorsiklo si Andres patungo sa Amas Complex sa Kidapawan City nang dalawang beses siyang barilin ng hindi nakilalang motorcycle rider sa Sitio Balicongcong sa Barangay Doruluman.

Gayunman, pinaharurot ni Andres ang kanyang motorsiklo patungong Poblacion, at hindi na siya sinundan ng suspek.