Nina BETH CAMIA at MARY ANN SANTIAGO, May ulat ni Aaron B. Recuenco

Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10952 na muling nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda ngayong buwan.

Kinumpirma ng Malacañang kahapon ng umaga na opisyal nang ipinagpaliban sa Mayo 14, 2018 ang halalan na nakatakda sa Oktubre 23, 2017.

Ang susunod na Barangay at SK elections ay idaraos sa 2020, at kada tatlong taon pagkatapos nito, alinsunod sa RA 10952.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bunga nito, mananatili sa puwesto hanggang sa Mayo 2018 ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay at SK.

Naglaan din ng P6,090,324,325.16 para gastusin sa barangay at SK elections sa susunod na taon.

TAKE TWO

Ito na ang ikalawang beses na ipinagpaliban ang nasabing halalan, na unang itinakda noong Oktubre 31, 2016 ngunit nakansela at itinakda ngayong buwan. Ikinatwiran sa muling pagpapaliban ngayong taon ang ayon kay Pangulong Duterte ay pagsasamantala ng mga sindikato ng droga sa halalan.

Una nang iginiit ng Pangulo na 40 porsiyento ng lahat ng barangay chairman sa bansa ay sangkot umano sa droga.

PREPARASYON TIGIL NA

Kaagad namang ipinag-utos ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ang pagpapatigil sa paghahanda ng komisyon para sa eleksiyon, at kinumpirma kahapon na umiikot na sa mga komisyuner ang draft resolution para sa suspensiyon ng mga aktibidad kaugnay ng botohan.

Sinabi ni Bautista na nagpalabas na rin siya ng memorandum na nag-aatas sa mga Comelec Field Office na itigil na ang ilang aktibidad na may kinalaman sa halalan.

Gayunman, may ilan pang gawain, gaya ng pagtanggap at pagbusisi sa mga naimprentang balota, ang kailangang kumpletuhin upang matukoy kung nakasunod ba ito sa mga inilatag na panuntunan ng Comelec.

Iniulat din ni Bautista na hanggang nitong Setyembre 29, 2017 ay umabot na sa P840 milyon ang nagastos ng Comelec para sa eleksiyon.

52 TIKLO SA GUN BAN

Kasabay nito, binawi rin ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng election gun ban kasunod ng opisyal na pagpapaliban sa barangay at SK elections.

“We are still waiting for the formal documents for the lifting of the gun ban. We stopped the gun ban but the conduct of checkpoints continues,” sabi ni Supt. Vimelee Madrid, PNP deputy spokesperson.

Simula nang ipatupad ang gun ban nitong Oktubre 1 hanggang kahapon ng umaga ay umabot na sa 52 katao ang naaresto sa iba’t ibang panig ng bansa sa paglabag sa gun ban.