Ni GILBERT ESPEÑA
PINANGUNAHAN ni London Olympian Mark Anthony Barriga ang mga Pilipinong nanalo lahat sa promosyon ni eight-division world champion Manny Pacquiao, kamakalawa ng gabi, sa Heyuan Royal Garden Hotel, Beijing, China.
Dinominahan ng IBF No. 14 at WBO No. 15 minimum weight contender na si Barriga si Wittawas Bassapean ng Thailand sa loob ng 10 rounds para maiuwi ang bakanteng WBO International minimum weight title, kaya inaasahang aangat siya sa world rankings.
Ipinakita naman ni Ronnie Baldonado ang bigat ng kanyang mga kamao nang mapatulog si Iwan Zoda ng Indonesia sa body shots sa 6th round para mapanatili ang kanyang WBO interim Oriental flyweight belt.
Tinalo naman ni dating WBO Asia Pacific welterweight titlist Jay-ar Inson sa six-round majority decision si WBO China welterweight champion Jin Yancheng, at nagwagi si Rene Mark Cuarto ng 3rd round knockout laban kay Li Guangxiong, ng China.
Nagwagi rin sa puntos si Vincent Astrolabio laban kay Ayati Sailike ng China, gayundin ang one-time world title challenger na si Genesis Libranza, na tinalo rin sa puntos ang Chinese na si Zeng Yujie.