PUMANAW na ang isa sa basketball legend ng Philippine Team sa1956 Olympics na si Loreto 'Bonnie' Carbonell sa edad na 84.
Kinumpirma ni San Beda assistant coach Cholo Martin at team manager Jude Roque sa Spin.Ph ang pagpanaw ni Carbonell nitong Linggo.
Isa sa itinuturing haligi ng San Beda basketball, miyembro si Carbonell ng 1956 Olympic basketball team na kinabibilangan din ng kasangga niya sa San Beda na si Caloy ‘The Big Difference’ Loyzaga. Pumanaw si Loyzaga my dalawang taon na ang nakalilipas sa edad na 86.Kabilang sa nakaharap ng Philippine Team sa Olympics na ginanap sa Melbourne, Australia ang United States na pinamumunuan ni NBA legend Bill Russell.
Naglaro rin si Carbonell sa 1954 Philippine team na nagwagi ng bronze medal sa FIBA World Championship at 1958 gold medal sa Asian Games.
Naging coach kalaunan, ginabayan ni Carbonell ang San Beda sa back-to-back title (1977-1978). Naging coach din siya sa MICAA at PBA sa koponan ng YCO at Tanduay.
Nakahimlay ang kanyang mga labi sa Paz Funeral Homes sa Manila Memorial Park sa Paranaque City.