Ni: Fer Taboy
Nagbalik-loob sa pamahalaan ang anim na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Northern Samar nitong Huwebes, kasabay ng paggunita sa ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law, iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon.
Sinabi ni Capt. Frederico Morales, hepe ng Philippine Army Civil Military Operation ng 803rd Infantry Brigade, isinuko rin ng mga rebelde ang ilang matataas na kalibre ng baril.
Hindi na kinilala ni Morales ang mga sumukong rebelde na galing sa iba’t ibang munisipalidad sa Northern Samar, para na rin sa kaligtasan ng mga ito.
Umaming hirap na sa buhay sa kabundukan, nakatanggap ang mga sumukong rebelde ng P50,000 ayudang pinansiyal, kabilang ang livelihood assistance.