KUALA LUMPUR — Tinanghal na unang medalist sa Team Philippines si Arthus Bucay sa impresibong kampanya sa men’s kilometer C5 track event ng 9th ASERAN Para Games nitong Linggo sa Velodrome Nasional sa Nilai Negeri Sembilan dito.
Nakopo ng 37-anyos na Paralympics veteran at Asian Games medal winner, ang silver medal sa tyempong isang oras, 15 minuto at 4.32 segundo.
“Ilang beses lang kaming naka-train sa event na ito dahil dinagdag lang ito nung huli. Buti na lang naka medalya pa,” sambit ni cycling coach Norberto Oconer, isa ring Olympian.
Nanaig si Malaysian Zuhaire Bin Amad Tarimzi sa oras na 1:09.690, habang bronze medalist si Indonesian Sufyan Saori (1:19.170).
Tatangkain ni Bucay na makopo ang gintong medalya sa kanyang pagsabak sa 4000m individual pursuit ngayon.
Sa table tennis sa Hall 8 ng Malaysia International Trade and Exhibition Centre (MITEC), ginapi ng tambalan nina Billy Smith Cartera at Darwin Salvacion sina Cambodia’s Voy Yasal at Ch Parnsamoth, 3-0, sa men’s event TT4 para makasiguro ng bronze medal.
Matapos makamit ang panalo sa unang dalawang singles event, nanaig sina Cartera at Salvacion, 11-8, 11-1, 11-6 laban kina Yasal at Parnsamoth sa doubles.
“This win assures us of a bronze because there are only four entries in this division,” pahayag ni table tennis mentor Louise Mark Eballa.
Hindi naman pinalad sina Rogelio Cezar, Jobert Lumanta, Pablo Catalan at Benedictp Gaela laban sa kani-kanilang Indonesian opponents sa TT8 at TT9 class, ayon sa pagkakasunod.
“I was just letting the other players to experience playing. It will not happen again,” sambit ni Estacion.
Magsisimula rin ang aksiyon sa medal-rich athletics at swimming ngayon.