Pascua at Galas, sama sa RP Team sa Olympiad.
PINAKAMAHUSAY sina Grandmaster-candidate Haridas Pascua at WIM Bernadette Galas sa 2017 Battle of GMs-National Chess Championships kahapon sa Alphaland Makati Place.
Ginapi ni Pascua, naghahangad na mapabilang sa elite cast ng Pinoy GM, si International Master Ronald Bancod sa ika-11 at final round para tanghaling kampeon sa men’s division ng pamosong 12-player tournament.
Nakopo niya ang korona tangan ang 7.5 puntos, tampok ang limang panalo at limang draws.
Bukod sa titulo, nakasingit din si Pascua sa Team Philippines na sasabak sa 43 rd World Chess Olympiad sa Sept. 23-Oct. 7 sa Batumi, Georgia.
Naungusan ng 24-anyos Information Technology graduate sa University of Baguio, nang kalahating puntos ang dating co-leader na si IM Paolo Bersamina, tumabla sa kanyang huling laro kontra United States-based GM Rogelio Barcenilla, Jr.
“I’m very happy to win the title,” pahayag ng pambato ng Mangatarem, Pangasinan, nakuha ang ikatlo at final GM norm sa Abu Dhabi Masters Open noong 2015.
Kakailanganin niya na maabot ang ELO rating na 2500 para pormal na tanghaling Grandmaster ng World Chess Federation (FIDE).
Naungusan naman ni top seed GM John Paul Gomez si reigning national junior champion John Marvin Miciano para makisosyo kay Bersamina sa ikalawa hanggang ikatlong puwesto.
Tumapos si Barcenilla sa solong ikaapat na puwesto na may 6.5 puntos.
Pinabagsak naman ni IM Chito Garma si collegiate standout Jonathan Jota para magsosyo sa ikalimang puwesto na may 5 puntos.
Ginulantang ni Jota ang torneo sa malaking panalo kontra kina GMs Rogelio Antonio Jr, at Darwin Laylo, ngunit, nalaglag sa labanan matapos ma-defaut ang laro kay Gomez bunsod nang paglaro niya sa NCAA para sa koponan ng Lyceum of the Philippines.
Sa women’s division, nagwagi si Galas kay WIM Marie Antoinette San Diego.
Para sa titulo at slots sa Batumi Olympiad. Nagtapos siya na may 7.5 puntos.
Tangan ni Galas, UAAP Season 78 MVP mula sa La Salle, ang kalahating puntos na bentahe kay Catherine Perena-Secopito, nasilat ni WIM Shania Mae Mendoza.
Sa kabila ng kabiguan, tumapos si Secopito sa ikalawang puwesto kasunod si WIM Mikee Charlene Suede at San Diego.
Pinangunahan nina National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president Cong. Prospero “Butch” Pichay at NCFP director Cliburn Anthony Orbe at tournament director Red Dumuk ang pamamahagi ng tropeo at premyo sa mga nanaig sa torneo na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).