Nina Leonel M. Abasola at Vanne Elaine P. Terrazola

Mananatili muna si dating Bureau of Custom (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon sa Office of the Senate Sergeant at Arms (OSAA) matapos tumangging humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon.

Hindi kasi napilit si Faeldon ni Senator Richard Gordon na humarap sa komite, taliwas naman sa nangyari sa mga nagdaang pagdinig partikular na sa kaso ni dating Makati City Mayor Junjun Binay na kinaladkad para makaharap sa komite.

Si Faeldon ay sumuko sa OSAA bago magtanghali kahapon nang magpalabas ng arrest warrant ang komite.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iginiit ni Gordon na magpupulong muna sila ng komite ngayong hapon para talakayin ang kaso ni Faeldon.

Sinabi ni Faeldon kay Gordon na mataas ang kanyang respeto sa Senado, pero hindi naman daw niya kayang humarap pa kina Senators Antonio Trillanes IV at Panfilo Lacson na matagal na umano siyang hinusgahan.

KAKASUHAN NI LACSON

Sinabi naman ni Lacson kahapon na magsasampa siya ng corruption charges laban kay Faeldon sa Office of the Ombudsman.

Sinabi ni Lacson kahapon na “substantial” ang kanyang mga pruweba na si Faeldon ay sangkot sa kurapsiyon sa BoC.

Sa privilege speech ng dating police chief nitong Agosto 23, ibinunyag niya kung paano ang “tara system” sa BoC, at inakusahan din si Faeldon na tumanggap ng “pasalubong” o “welcome gift” na P100 milyon nang maluklok bilang BoC chief noong nakaraang taon.

Binatikos din niya ang dating sundalo sa hindi nito pagharap sa mga akusasyon, at sa halip ay gumanti ng alegasyon na ang kanyang anak na si Panfilo “Pampi” Jr. ay sangkot umano sa smuggling ng semento.

BALIK SEGURIDAD

Ibinalik naman ng komite ang seguridad ng OSAA para kay Mark Taguba, isa sa mga resource person sa P6.4-bilyon shabu shipment na naipuslit sa BoC.

Ang pagbabalik sa proteksiyon ni Taguba ay iginiit ni Lacson sa pulong ng komite, makaraang bawiin ito ni Gordon noong nakaraang linggo.

Sa pagdinig kahapon, sinabi ni Taguba na nagkita sila ni dating Import Assessment Services (IAS) Director Milo Maestrecampo kaugnay ng isang shipment.

Sinabi pa ni Taguba na nagbigay siya ng pera kay Maestrocampo sa pamamagitan ng isang “Tita Nanie”.

Itinanggi ni Maestrocampo ang akusasyon ni Taguna, pero igiiit nito na may mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na ginamit ang kanyang opisina.

‘DI INTERESADO

Inilarawan naman nina Gordon at Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang interes ang gobyerno sa mga kaso ng droga sa bansa.

Sinabi ni Drilon na apat na buwan na ang nakalipas nang makumpiska ang P6.4-bilyon shabu pero wala pang nahahatulan.

Sinegundahan naman ito ni Gordon at nanawagan sa Department of Justice (DoJ) na maging seryoso sa pagpapanagot sa mga responsable.