Ni Vanne Elaine P. Terrazola

Nagbabala ang mga senador na miyembro ng Liberal Party (LP) na haharangin ang panukalang budget na P900 milyon ng Philippine National Police (PNP) para sa 2018 hanggang hindi umano nakabubuo ng alternatibong estratehiya ang pulisya sa kampanya nito kontra droga.

Dahil sa sunud-sunod na pagpatay habang isinasagawa ang kampanya ng administrasyon laban sa illegal drugs, naglabas ng pahayag ang opposition senators nitong Biyernes na haharangin nila ang pag-apruba sa pondo ng PNP para sa anti-drug war campaign, na lubhang lumaki, mula sa P20 milyon ngayong taon.

“We will reject the 4,400-percent increase in the budget for Oplan Tokhang, also Oplan Double Barrel Reloaded, if the PNP will insist on continuing the oplan that has already claimed thousands of lives, including young victims,” ani Senate Minority Leader Franklin Drilon.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ayon kay Senator Francis Pangilinan, presidente ng LP, titiyakin niya na ang pondo ay hindi magagamit ng mga pulis upang maipagpatuloy ang walang habas na pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal.

“Kailangan nating matiyak na ang pondong ito ay hindi ginagamit o gagamitin bilang pagkukunan ng gantimpala ng pamahalaan sa mga alagad ng batas para pumatay ng kapwa Pilipino sa madugo at mapang-abusong giyerang ito kontra droga,” sabi ni Pangilinan.

Nagpahayag naman si Sen. Bam Aquino na kailangang magbalangkas ang gobyerno ng mas mainam na solusyon sa problema sa droga, sa halip na gumamit ng karahasan.

Nanawagan din sila sa PNP na bumuo ng matatag na estratehiya sa paglutas sa libu-libong extrajudicial killings (EJKs) na may kaugnayan sa drug war.

Samantala, ikinalugod naman ng LP ang pahayag ng Palasyo na nagsasagawa ito ng “major rethinking” sa kampanya kontra droga.

Gayunpaman, sinabi ng opposition party na kailangang harapin ng pamahalaan ang problema sa drug-linked killings “head-on, instead of trying to look for purported saboteurs and destabilizers when things have become too messy and bloody.”

Sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati kamakailan na ang pagpatay sa mga bata at teenagers ay isang pananabotahe sa drug war.