NEW YORK (AP) — Nagpakatatag si No. 1 seed Rafael Nadal para makaiwas sa pagkasilat nang gapiin si Leonardo Mayer, 6-7 (3), 6-3, 6-1, 6-4 nitong Sabado (Linggo sa Manila) para makausad sa ikaapat na round ng US Open.

Tulad sa nakalipas niyang laban kay Taro Daniel nitong Huwebes, malamya ang simula ni Nadal bago nakabawi sa palitang ng palo at madomina ang huling dalawang set.

Umusad ang two-time US Open champion sa round of 16 sa ikasiyam na sunod na season. Makakaharap niya ang kontrobersiyal na unseeded na si Alexandr Dolgopolov ng Ukraine.

Sumasailalim sa maselang imbestigasyon ang 28-anyos na si Dolgopolov bunsod ng pagkakadawit niya sa match fixing, gayundin sa labis na pagtaya sa pustahan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umusad si Dolgopolov, 64th ranked, nang magwagi kay Viktor Troicki, 6-1, 6-0, 6-4 sa Flushing Meadows.

Iniimbestigahan ng anti-corruption group ang laro niya kay Thiago Monteiro sa hard-court event ng Winston-Salem, North Carolina, noong Agosto 20.

“I was the first one to come there and try to give them all the information, so they can investigate it faster,” depensa ni Dolgopolov.

“I don’t know. I don’t ask. They asked me about some information. They interviewed me. That’s it. That’s all I can do.”

“I’m not a young player anymore. I don’t think I’m going to get intimidated by the No. 1 player or the stadium or the occasion.”