Ni: Joseph Jubelag

GENERAL SANTOS CITY – Nasamsam ng mga awtoridad nitong Huwebes ang mga bulto ng armas na umano’y ipinupuslit ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Kidapawan City, North Cotabato.

Sinabi ni 1Lt. Silver Belvis, tagapagsalita ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army, na ang arms cache’ ay binubuo ng 18 M-16 Armalite rifles at nasamsam ng mga pulis at ng mga tauhan ng 39th Infantry Battalion habang nagpapatrulya sa Barangay Katipunan, Kidapawan City.

Ayon kay Belvis, kinilala ang mga nadakip na sina Wowia Boton at George Cuyo, hinihinalang miyembro ng NPA Guerilla Front 53, na naatasan umanong ibaon ang mga armas sa lugar.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Lt. Col. Arnold Argamosa, commander ng 39th Infantry Battalion, na ide-deliver sana ang mga nasabing armas sa mga rebelde na maglulunsad ng mga pag-atake sa mga pulis at sundalo sa lalawigan ngayong buwan.

Aniya, una nang nakatanggap ang pulisya at militar ng intelligence information na plano ng NPA na maglunsad ng opensiba laban sa puwersa ng gobyerno sa North Cotabato.

“The civilian populace had been informing the military regarding the planned activities of the NPA rebels in the area,” sabi ni Argamosa.

Ayon kay Argamosa, naging matagumpay ang operasyon dahil na rin sa epektibong pakikipagtulungan ng mga sibilyan laban sa NPA.