Ni REY BANCOD
Syquia, kumubra ng ginto sa equestrian.
KUALA LUMPUR — Napawi ang kalungkutan ng Team Philippines mula sa maghapong kabiguan sa iba’t ibang laban nang sumagitsit ang pangalan ni John Colin Syquia sa electronic board ng 29th Southeast Asian Games dito.
Sakay ng alagang Riding Adventure, naitala ni Syquia ang total score na 37.63 para masungkit ang gintong medalya – natatangi sa huling dalawang araw ng kompetisyon – sa show jumping individual competition nitong Lunes sa 3Q Equestrian Centre sa Rawang.
Ginapi niya ang karibal at local hero para sa gintong medalya, kauna-unahan sa Pinoy equestrian mula noong 2011 nang magwagi si Diego Lorenzo sa pareho ring event.
Uumusad din ang hakot ng Pinoy sa 23 ginto sa biennial meet.
Naging masalimuot ang kampanya ng Pinoy matapos ang impresibong ratsada nitong Linggo nang magwagi ng apat na gintong medalya mula kina Carlo Biado at Chezka Centeno sa 9-ball singles, gayundin kina Samuel Morrison sa taekwondo at Mariya Takahashi sa judo.
Naisalansan din ng Philippines ang 28 silver at 54 bronze medal.
Nanatiling nangunguna ang Malaysia na walang puknat ang pagdiriwang matapos makuka ang ika-100 gintong medalya mula kay national gymnast Amy Kwan Dict Weng.
Nanguna si Amy sa iskor na 15.75 puntos sa ribbon apparatus event para sa kanyang ikalawang gintong medalya.
Muling isinalba ng billiards ang kampanya ng bansa sa multi-event tourney nang gapiin ni Biado si Duong Quoc Huan ng Vietnam, 9-5, habang nanaig si Centeno kay Rubilen Amit, 7-6, sa all-Pinoy finals.
Giniba naman ni Morrison si Indonesia’s Dinggo Ardian Prayogo sa men’s lightweight final ng taekwondo, habang nanaig si Takahashi, 16, kay five-time SEA Games champion Surattana Thongsri ng Thailand sa women’s -70kg.
Nabigo naman si Winter Olympian Michael Martinez sa kampanyang masungkit ang kasaysayan sa unang larga ng figure skating nang maungusan ng Malaysian, habang nag-silver din si Arben Alcantara sa men’s featherweight division ng taekwondo.