NI: Bert de Guzman
LUBHANG nakababahala na ang mga pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users nitong nakaraang ilang araw. Sa Bulacan, 32 ang binawian ng buhay (without due process) sa kasidhian ng operasyon ng mga pulis ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa tinatawag na One Time, Big Time. Sa Maynila, 25 naman ang napatay din sa loob ng isang araw, samantalang sa Caloocan ay marami rin ang napatay, kabilang ang 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos.
Parang wala na silang pagpapahalaga sa buhay ng kapwa mga Pilipino bunsod ng giyera sa illegal drugs ni Pres. Rodrigo Roa Duterte. Laging sinasabi ng mga operatiba ng Oplan Tokhang na nanlaban daw ang mga suspek kaya nila binaril at napatay. Si Kian na Grade 11 student ay nanlaban din daw gayong wala namang perang pambili ng kanilang pangangailangan sa buhay. Paano ito magkakaroon ng baril? Saka, sa bangkay niya ay nakitang may hawak siyang baril sa kaliwang kamay gayong siya ay right-handed.
Napapanahon na marahil na tumindig at magsalita ang iba’t ibang sektor ng lipunan, mga grupo ng mabubuting tao na nagpapahalaga sa kapayapaan, kaayusan at kahalagahan ng buhay ng isang nilalang. Sabi nga ni Edmund Burke: “The only thing necessary for the triumph of evil is that GOOD MEN do nothing!” Samakatuwid, namamayani ang kasamaan dahil sa pagsasawalang-kibo ng mabubuting tao. Nananaig ang mga panginoon at makapangyarihan dahil natatakot ang lahat, kabilang ang mga senador, kongresista at iba pang mga lider ng bansa.
Sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos, may nabanaagang pag-asa ang mga Pinoy nang ihayag ng ilang senador na magsasagawa sila ng imbestigasyon hinggil sa biglang pagdami ng police killings. Hindi lang si Kian, na isang menor de edad, ang napatay ng mga pulis ni Bato kaugnay ng operasyon laban sa illegal drugs. May mga menor de edad na ring napatay, pero nanahimik na lang sila dahil sa pahayag na “Walang pulis na makukulong, at kung makukulong man ay ipa-pardon agad”.
Batay sa surveillance camera footage, ipinakikitang si Kian ay binitbit at hinatak ng police noong gabi ng Miyerkules bago siya binaril at napatay. Dahil dito, sumiklab ang outrage o matinding galit ng taumbayan kung kaya pati mga alyado ni PDU30 sa Senado ay naalarma sa biglang pagdami ng mga napapatay sa illegal drug war. Ayon kay Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate committee on justice and human rights, may sapat na ebidensiya para magsagawa ng pagsisiyasat sa pagkamatay ni Kian na nakunan ng CCTV camera ng barangay.
Sabi ni Gordon, suportado niya... ang giyera ni PRRD sa illegal drugs “Pero, we must be fair and protect the rule of law.” Ayon naman kay Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, nakababahala ang maramihang pagpatay sa drug suspects. Sabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Parang masaker na iyan. Kung may Mamasapano Massacre, maraming sundalo at pulis ang namatay sa Marawi City, nakabibigla ang biglang dami ng pinapatay na drug suspects, pero ang mga suspect sa P6.4 bilyong shabu sa BoC ay inihabla lang at hindi pinagbabaril tulad ng mga ordinaryong tulak at adik.”
Ang iba pang mga senador na nababahala sa maramihang pagpatay ay sina Sens. Kiko Pangilinan, Grace Poe, Risa Hontiveros, Chiz Escudero, Sherwin Gatchalian, Juan Edgardo Angara, Leila de Lima (nakakulong), at Franklin Drilon.
Ang iba pa ay tameme dahil baka natatakot silang hiyain o ibulgar ng Pangulo sa pagkakasangkot sa pork barrel at PDAF.