Ni Rey Bancod

Kaitlin at Reyland, isinalba ang Team Philippines sa pagkabokya.

KUALA LUMPUR – Naisalba nina gymnast Kaitlin De Guzman at Reyland Capillan ang pagkabokya sa medalya ng Team Philippines sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 29th Southeast Asian Games nitong Miyerkules sa Malaysia International Trade and Exhibition Center (MiTEC).

Lois Kaye Go of the Philippines. Photo courtesy of Mines Resort and Golf Club
Lois Kaye Go of the Philippines. Photo courtesy of Mines Resort and Golf Club

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Kahanga-hanga ang ipinamalas na kilos, galaw at istilo ng 17-anyos na si De Guzman, ngunit nakakuha lamang siya ng kabuuang 13.025 iskor mula sa mga hurado sapat para sa silver medal sa floor exercise.

Sa individual balance beam, nakakuha siya ng kabuuang 12.3 puntos para makopo ang bronze.

Bunsod nang impresibong kampanya, tinanghal si De Guzman, anak ng dating SEAG gold medalist na si Cintammoni ‘Tammy’ Dela Cruz (1995) bilang ‘most bemedalled’ athlete sa kasalukuyan para sa delegasyon ng bansa.

Nitong Martes, nakamit niya ang isa sa dalawang gintong medalya ng Team Philippines sa gymnastics nang pangunahan ang uneven bars event.

Nakamit ni Farah Ann ng Malaysia ang ginto sa iskor na 13.450, kasunod si Rifda Irfanaluthf ng Indonesia na ay 13.00.

Naungusan naman si De Guzman nina Rifda (13.125) at Tan Ing Yueh ng Malaysia (13.1) sa balance beam.

Nakasungkit din ng bronze medal si Capellan sa men’s vault sa iskor na 13.975 sa likod nina Le Thanh Tung ng Vietnam (14.450), at Agus Adi Prayoko ng Indonesia (14.350).

Nagwagi rin si Capellan ng gintong medalya nitong Martes sa men’s floor exercise.

Patuloy ang pananalasa ng host Malaysia sa iba’t ibang sports, sapat para patatagin ang kampanya sa overall championship tangan ang 41 ginto, 32 silver at 22 bronze para sa kabuuang 95 medalya.

Nanatili sa ikaanim na puwesto ang Pinoy tangan ang walong ginto, 12 silver at 15 bronze para sa kabuuang 35 medalya.

Naging malamya ang kampanya ng Team Philippines sa ikaapat na araw ng kompetisyon.

Nabitiwan ni golfer Lois Kaye Go ang bentahe, habang maagang napatalsik sa laban si Fil-Geman tennis bet Katharina Lehnert.

Matapos ang impresibong 66 sa opening round sa Mines Resort and Golf Club nitong Martes, nabalahaw ang ratsada ni Go sa natipang three-over par 74 para sa kabuuang 140 at maghabol ng apat na puntos sa nangungunang sina Atthaya Thitikul at Thitapa P. ng Thailand patungo sa final round ng 54-hole women’s individual event.

Umiskor si Atthaya ng 66, habang kumana si Thitapa ng 67 para sa sosyong liderato tangan ang 136.

Sa men’s event, talsik rin si Rupert Zaragosa sa natipang 77 para sa kabuuang 14, anim na puntos sa likod nina Singapore co-leaders Gregory Foo at Marc Ong.

Nagapi si Lehnert ni L. Kumikhum, 6-1, 6-3, sa women’s tennis singles, habang nakabawi si Clarice Patrombon sa 7-6, 4-6, 6-3 panalo kontra B. Gumulya ng Indonesia para makausad sa semifinals.

Sibak din sa men’s singles sina Francis Casey Alcantara at Jeson Patrombon. Natalos si Alcantara kay Jirat Navasirisomboon, 6-2, 6-3, habang nasibak si Patrombon ni Wishaya Trongcharoenchaikul, 6-4, 7-5.

Nagwagi naman sa opening match ang tambalan nina Ruben Gonzales at Alcantara kontra A. Sasongko at S. Truati ng Indonesia, 7-5, 6-3.

Sa squash, tinalo ng tambalan nina Jemyca Aribado at Alyssa Dalida ang Thailand, 2-0, para makausad sa final ng women’s jumbo doubles.

Nabigo naman ang men’s double sa Singapore, 2-1, para sa makuntento sa bronze medal.