Atletang Pinoy, bigong makaamot sa 21 gintong nakataya sa SEAG ‘Sunday Action’
KUALA LUMPUR – Matapos ang makulay at mainspirasyon na opening ceremony, kaagad na sumambulat ang aksiyon sa 29th Southeast Asian Games kung saan nakataya ang 21 gintong medalya sa 10 sports.
Ngunit, walang Pinoy na nakasambot ng isa sa gintong kumikinang nitong Linggo sa iba’t ibang sports venue.
Sa limang ginto na nakataya sa wushu, kabiguan ang natamo ng Pinoy kung saan tumapos lamang sa ikaanim si Daniel Parantac sa men’s optional taijijian. Nakatakda rin siyang sumabak sa men’s optional jianshu.
Hindi rin nakalusot si Kimberly Macuha sa womens’s optional jianshu.
Nakatakda ring sumabak ang Pinoy sa table tennis, bowling, equestrian at archery.
Nakatudla ang Pinoy archers ng dalawang bronze sa compound events nitong Biyernes kung kaya’t umaasa ang delegasyon sa matikas na kampanya sa men’s and women’s individual recurve events.
Gugulong naman ang laban sa bowling sa Sunway Pyramid, Petaling Jaya.
Nagsimula na rin ang elimination bout sa boxing kung saan mapapalaban sina flyweight Ian Clark Bautista, bantamweight Mario Fernandez at middleweight Eumir Felix Marcial.
Nabahiran naman ng kontrobersyal ang SEAG nang aksidenteng mailagay ng Malaysian organizer ang bandila ng Poland sa Indonesia sa souvenir guidebook.
Umani ng batikos mula sa Indonesian delegation ang pagkakamali kung kaya’y naging popular na hashtag sa Twitter kahapon ang #shameonyoumalaysia.
Ayon kay Indonesia’s Olympic Committee chairman Erick Thohir, ang pagkakamali ay isang kapalpakan at kaagad na hiniling ang pagsasaayos ng naturang guidebook.
“Friendship is the greatest legacy in sports, but a mistake in presenting a national identity is not justified,” sambit ni Thohir.
Iginiit ni Youth and Sports Minister Imam Nahrawina na “very painful” ang naturang kapalpakan.
Ayon sa Malaysian Organizing Committee, nakatakdang makipagpulong ang Malaysia’s sports minister kay Nahrawi para personal na humingi ng despensa.
“We very much regret the mistake,” pahayag ng organizer sa opisyal na pahayag.