DAVAO CITY – Tunay na sa sports matatagpuan ang pagkakaisa ng bawat Pilipino.

Kabuuan 300 Muslim, Lumad at Christian ang nagsama-sama at nakibahagi sa Inter-faith Children’s Games ng Philippine Sports Commission (PSC) kahapon sa Mergrande Ocean Resort sa Toril District dito.

psc copy

Batay sa isinusulong na programa na ‘Sports for Peace’ sa Mindanao, iginiit ni PSC chairman William “Butch” Ramirez na patuloy na isusulong ang mga programa sa grassroots development upang patibayin ang pundasyon ng kaisipan at karakter ng kabataang Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan sa pamamagitan ng sports.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Matatandaang kinilala ng UNESCO ang Children’s Games bilang mabisang paraan sa pagkilala sa katangian ng kabataan at pagbuo sa nadungisang katauhan dulot ng iba’t ibang suliranin at gusot sa pamayanan.

“Unesco’s interest to model our Children’s Games in other countries gives us a boost and tells us that something good is happening in the lives of the children. Sports for peace saves lives,” pahayag ni Ramirez.

Ayon kay Ramirez, plano ng pamahalaan na dalhin ang Children’s Games sa mga bansang may malaking populasyon ang mga migrante at Overseas Filipino workers (OFWs).

Kabilang sa target ng programa ang Italy, Hong Kong, Australia, Canada at United States. Nakatuon ang Children’s Games sa mga kabataang edad 12-pababa.

Sinabi naman ni St. Jude Parish priest Fr. Pete Lamata, convenor ng Aimmam Priest Pastors Association of the Philippines at chairman ng Archdiocese Commission Inter-Faith Dialogue, na ang Children’s Games ay natatangi dahil binibigyan nito ng oportunidad ang mga batang Christian, Muslim at Lumad na magkasama-sama at makapaglaro.

“The experiences of these children they will bring to their respective homes and to their communities through the Ates and Kuyas who trained to also promote grassroots sports in their respective areas,” sambit ni Lamata.

Pinasalamatan din ni Ulama regional head Aleem Mahmod Adilao ang pamahalaan, sa pamamagitan ng PSC sa makabuluhang programa na nagbigay buhay sa kabataang Mindanaoan.

“Maraming salamat sa pag-imbita sa amin. Malaking tulong ang Children’s Games sa mga kabataang Muslim sana maipagpatuloy pa ito sa mga susunod na taon,” sambit ni Adilao.

Nakibahagi rin sa programa si United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Pastor Roger Lofranco.