Nina GENALYN D. KABILING, VANNE ELAINE P. TERRAZOLA, at BEN R. ROSARIO
Magpapatuloy ang madugong digmaan kontra droga.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang tumangging ihinto ang brutal na kampanya ng gobyerno kontra droga sa kabilang ng pagkabahala ng ilang opisyal ng gobyerno at ng publiko, at iginiit na ang mga napapatay sa magkakasunod na police operation sa nakalipas na mga araw ay itinuturing na “collateral damage.”
Sinabi ng Pangulo na ipinag-utos na niya sa pulisya at militar ang pagwasak sa mga apparatus na ginagamit sa paggawa at pagbebenta ng droga, at inaming ang Pilipinas ay isa nang “narcotics country.”
“Hindi ko hintuan ‘to. Hindi na ako hihinto dito. That’s why my order to the police and to the human rights, if you are listening—stupid. I said to the police and the military: Destroy the apparatus, the organization of drug syndicates,” sinabi ni Duterte sa kanyang pagbisita sa Ozamiz City nitong Huwebes.
“Kung may mamatay? Sorry. Collateral damage ka,” ani Pangulong Duterte.
“Sinabi ko doon sa mga governors pati mayors, do not ever, ever f*** with drugs because if you destroy my country, I will kill you,” dagdag pa ng Pangulo. “I’ve been repeating that. Human rights, p*** wala akong pakialam sa inyo. May trabaho ako at gagawin ko, if you destroy the youth of the land and rob us of our most precious.”
MAY WARNING SA MGA PULIS
Ito ang inihayag ng Pangulo sa harap ng serye ng madudugong operasyon ng pulisya laban sa umano’y mga kriminal sa Bulacan at Metro Manila sa nakalipas na mga araw, na kahapon ay umabot na ang kabuuang bilang sa 82—32 sa dalawang-araw na police operation sa Bulacan nitong Martes at Miyerkules, 25 sa Metro Manila nitong Huwebes, at karagdagang 25 pa kahapon, sa Metro Manila pa rin.
Matatandaang pinuri pa ni Duterte ang pagkakapaslang sa 32 drug suspect sa Bulacan at sinabing “let’s kill another 32 everyday, maybe we can reduce what ails this country.”
Muling iginiit ng Pangulo na suportado niya ang mga pulis na gumaganap lamang sa kanilang trabaho, ngunit may babala siya sa mga ito: “Ang warning ko lang: Do not lie to me. Just tell me the truth because there is always a remedy. In the performance of duty, wala kayong problema.”
‘MASSACRE OF THE POOR’
Samantala, nagpahayag naman ng pagkabahala ang ilang senador sa nakalulula at patuloy na lumolobong bilang ng mga napapatay sa mga police operation, na tinawag ni Liberal Party president, Senator Francis Pangilinan, na “massacre of the poor”.
“Kahit sino na lang kakaladkarin ng pulis para umabot sa quota? (Para) Makuha ang reward money? Hindi ito makatarungan. Hindi araw-araw na patayan ng mahihirap ang solusyon. Tutulan ang masaker ng mahihirap. Itrato bilang health issue at problema din ng kahirapan at hindi lang problema ng kapulisan ang drug addiction,” ani Pangilinan.
Tinawag ni Sen. Joel Villanueva na “lousy and terrible” ang mga operasyon ng pulisya, at nagpahayag ng pagkabahalang kinukunsinti na lamang ng publiko ang maramihang mga pagpatay.
PINAIIMBESTIGAHAN
Umapela naman ng imbestigasyon si Senator Grace Poe, vice chairperson ng Senate committee on public order, sa usapin habang nanawagan si Senator Antonio Trillanes ng caucus ng lahat ng senador sa Martes upang talakayin ang isyu.
Kinondena rin ng mga kongresista, kaalyado man ng administrasyon o oposisyon, ang sunud-sunod na pagpatay sa mga drug suspect.
Sinabi ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao na dahil dito, nagiging kuwestiyonable ang paglalaan ng P900 milyon para sa Plan Double Barrel Reloaded ng administrasyon kontra droga.
Bukod kay Casilao, kabilang din sa mga kumondena sa anila’y mass killing sina Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, ACT Teachers Party-list Reps. Antonio Tinio at France Castro, at Kabataan Party-list Rep. Sarah Jane Elago.