Ni FRANCO G. REGALA

CANDABA, Pampanga – Nag-aalala ang mga nag-aalaga ng itik sa bayang ito na maapektuhan ang kanilang kabuhayan sa oras na ipagbawal ang pagdi-deliver ng mga itlog mula sa Pampanga dahil sa bird flu.

Nagtalaga ang Department of Agriculture (DA) ng 7-kilometrong control zone sa paligid ng Barangay San Carlos, sa bayan ng San Luis, kung saan umano kumakalat ang bird flu.

May 200,000 manok ang iniutos na katayin upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit na maaaring makahawa rin sa tao.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Ipinagbawal din ang paglalabas ng mga itlog mula sa mga lugar sa ilalim ng control zone.

Hindi sakop ang Candaba sa control zone ngunit mahigpit din itong binabantayan ng DA dahil maraming poultry farm dito.

Dahil dito, maraming poultry owner ang nababalisa.

“Ano po ang gagawin namin sa aming mga itlog kung patuloy itong ban?’’ tanong ni Bonifacio Gonzales, manager ng Candaba Duck raisers Farmers Multi-purpose Cooperative.

Nais ni Gonzales at ng iba pang kasapi ng kooperatiba na linawin ng awtoridad kung kasama ang Candaba sa ban.

“Marami na po sa aming mga kasamahan ang nahihirapang magdeliver ng kanilang supply of duck eggs kasi nahaharang na sa airport, seaport at ibang exit points,” ani Gonzales. “Noong Sabado lang nawalan ang kooperatiba ng P50,000 dahil ang mga produkto namin ay napatigil sa checkpoint sa Baliwag, Bulacan. Iba pa dito yung mga miyembro.’’

“Sana po ibukod nila kami at i-confine na lang sa San Carlos, San Luis town yung quarantine kung saan ang outbreak ay nadeklara,’’ hiling niya.

Ang Candaba ang pinakamalaking supplier ng itlog ng itik sa Pateros, Rizal, ang sentro ng paggawa ng balut.

Ayon sa Municipal Agriculture Office ng Candaba, sa loob ng isang araw, umaabot sa isang milyong itlog ng itik ang nanggagaling sa bayang ito.

Giit ni Candaba Mayor Danilo Baylon, bird flu free ang Candaba base sa test na ginawa ng Bureau of Animal Industry (BAI) noong Hulyo.

“Umaabot po sa P250,000 ang lugi ng mga manggagawa sa isang araw lang. Kung patuloy siyang ganito at hindi kami mae-exclude, magiging malaking kawalan ito sa ating magsasaka at duck raisers,’’ sabi ni Baylon.

“Umaapela kami sa DA na huwag isama ang aming egg industry sa mga iba-ban,’’ dagdag niya.