Ni FRANCO G. REGALA, May ulat nina Mary Ann Santiago at Argyll Cyrus Geducos

SAN LUIS, Pampanga – Dahil sa bird flu outbreak sa bayan ng San Luis sa Pampanga, sinabi kahapon ng mga awtoridad na nagtalaga sila ng mga checkpoint sa may pitong kilometrong radius na control area at tuluy-tuloy na nag-iinspeksiyon sa lahat ng poultry farm upang matiyak na ang mga manok, bibe, at pugo ay ligtas sa pagkakahawa sa nasabing virus.

Sa eksklusibong panayam kay Pampanga Police Provincial Office (PPO) director Senior Supt. Joel Consulta, sinabi niyang ang mga checkpoint ay pinangangasiwaan ng pinagsanib na mga operatiba ng PPO at San Luis Municipal Police, katuwang ang mga kinatawan mula sa Bureau of Animal Industry (BAI).

“Security was heightened para masiguradong walang lalabas na infected birds and other poultry flocks na nanggaling doon sa outbreak areas,” sabi ni Consulta. “Ang instruction ng Provincial Government is to secure all exit points within the 7km radius.”

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Nakiisa rin kahapon ang mga kinatawan ng mga barangay, ng lokal na pamahalaan ng San Luis, at ng pamahalaang panglalawigan sa mga quarantine personnel ng BAI sa pag-iinspeksiyon sa lahat ng poultry farm sa mga lugar na pinaniniwalaang apektado ng Avian Influenza H5 virus.

Isinailalim na ni Pampanga Gov Lilia G. Pineda ang buong lalawigan sa state of calamity kasunod ng kumpirmasyon ng outbreak sa anim na poultry farm sa San Luis.

Sinabi naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol na mino-monitor na rin laban sa virus ang 66 na barangay sa mga bayan ng San Luis, Minalin, Sto. Tomas, Sta. Ana, Arayat, Apalit, Mexico, Candaba, at City of San Fernando.

TRANSPORT BAN

Kasabay nito, nagpalabas na ang Department of Agriculture (DA) ng temporary transport ban sa mga domestic at wild birds mula sa Luzon patungo sa iba pang lugar sa bansa upang maiwasang kumalat ang virus.

Sa kanyang memorandum circular, sinabi ni DA Assistant Secretary for Livestock Enrico Garzon Jr. na saklaw din ng ban ang pagbibiyahe ng mga karne, buhay na sisiw, at itlog at semilya ng manok.

Gayunman, umapela sa DA ang lokal na pamahalaan, ang mga mag-iitik, at mga kooperatiba ng magsasaka sa Candaba na i-exempt sila sa transport ban.

Ayon kay Mayor Danilo Baylon, labis na maaapektuhan ang Candaba—ang egg capital ng bansa—sa temporary ban kahit pa nagnegatibo na sa bird flu virus ang mga poultry farm sa munisipalidad sa pagsusuri ng BAI nitong Hulyo.

“Ang ating duck raising industry ay umaabot ng 1.8 million. Bawat halaga n’yan (itik) ay P250, ‘pag i-multiply ng P1.8M umaabot na ng P450M ang kanilang investment. ‘Yung napo-produce nilang itlog ng itik ay hindi bababa sa one million a day. If multiplied by P10, aabot ito ng P10M ang halaga ng kanilang egg production sa isang araw lang,” paliwanag ng alkalde.

“Pero dahil sa issuance ng ban, kaninang madaling araw, isa sa miyembro ng duck raisers natin ang nalugi ng umaabot sa P250,000 dahil hinarang ang transport ng kanyang itlog (ng itik) papuntang Manila, sa gawing Baliwag, Bulacan. So, kung patuloy siyang ganito, it will be a big lost to our farmers and duck raisers here,” dagdag pa ni Baylon.

LIGTAS KUMAIN NG MANOK

Samantala, bagamat naka-heightened alert ngayon ang Department of Health (DoH), tiniyak ni Secretary Paulyn Jean Ubial na ligtas pa ring kainin ang mga manok na nasa merkado.

Ayon kay Ubial, sa ilalim ng heightened alert, lahat ng ospital at health facilities sa Pampanga ay nasa heightened monitoring dahil sa banta ng avian flu.

Inatasan na rin ni Ubial ang lahat ng local health officials na isailalim sa pagsusuri ang lahat ng indibiduwal na makikitaan ng mga sintomas ng trangkaso, o influenza-like illness na mahigit nang tatlong araw.

Nagpadala na rin ang DoH ng mga epidemiologist upang tumulong sa DA, at tiniyak na handa na ang

3,000 test kits ng kagawaran sa Central Luzon.

KALMA LANG

Kasabay nito, umapela naman kahapon ang Malacañang sa publiko na manatiling kalmado ngunit alerto, kasabay ng pagtiyak na masusing naka-monitor ang gobyerno sa outbreak.

“We ask our people to remain calm yet vigilant. Any person living or residing in affected areas or who had been exposed to dead chickens who becomes sick with flu or flu-like illness, such as fever and/or sore throat/cough should immediately report to their local health center or nearest hospital for laboratory test,” saad sa pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

“As of this time, there has been no report of bird-to-human contamination,” dagdag niya.