NI: Jel Santos

Tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang ibinulagta matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa hiwalay na operasyon sa Caloocan City kamakalawa.

Kinilala ni Senior Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan police, ang mga namatay na sina Rufino “Tikboy’ Quiros, Brayan Ojore, at Michael Golen.

Sa follow-up operation, nagtungo sa bahay ni Quiros ang mga pulis ng Drug Enforcement Unit (DEU) upang siya ay arestuhin matapos kilalanin ng dalawang nahuling drug personalities.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Bandang 12:35 ng hapon, patungo ang awtoridad sa bahay ni Quiros sa kahabaan ng Tabon Street, sa Barangay 185, Caloocan nang magkasalubong ang kanilang landas. Naiulat na kumaripas ang suspek kaya hinabol ito ng mga pulis.

Umabot sila sa bahay ng mga kamag-anak ni Quiros, ayon sa mga imbestigador.

Bumunot ng baril si Quiros, base sa ulat, at pinaputukan ang mga pulis, ngunit hindi tumama. Dito na nagdesisyon ang awtoridad na barilin ang suspek na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Nakuha mula kay Quiros ang walong pakete ng umano’y shabu, at isang caliber .38 revolver.

Samantala, sa ikalawang insidente, isa umanong tulak at magnanakaw ang napatay sa engkuwentro.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagpapatrulya ang mga pulis sa Gilmina St., sa Bgy. 171 nang atakehin sila ni Ojare, bandang 5:45 ng hapon.

Naiulat na bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga paparating na pulis. Nagawa namang makailag ng awtoridad.

Napag-alaman na tumagal ng limang minuto ang engkuwentro bago napatay si Ojare.

Nakuha mula sa suspek ang isang caliber .38 revolver at mga pakete ng umano’y shabu.

At ang pinakahuli, napatay si Golen matapos inguso ng isang concerned citizen ang kanyang pinagtataguan.

Nagtungo ang mga pulis ng DEU, base sa ulat, sa isang bakanteng lote sa Bagumbong St., sa Bgy. 171, Caloocan, dakong 6:45 ng gabi.

Dito na namataan ng awtoridad si Golen. Binaril umano ng suspek ang mga pulis, ngunit hindi tumama.

Nakuha sa kanya ang isang caliber .38 revolver, at tatlong pakete ng umano’y shabu.