Ni: Rey Panaligan at Beth Camia

Sinabi kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na sinimulan na ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang imbestigasyon sa alegasyon na mayroong P1 bilyon yaman na hindi idineklara si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista sa kanyang 2016 statement of assets, liabilities and networth (SALN).

Ang PCGG, isang attached agency ng Department of Justice (DOJ), ay may kapangyarihang mag-imbestiga sa mga kaso hinggil sa ill-gotten wealth, sinabi ni Aguirre sa mga mamamahayag.

Sinabi ng kalihim na nakipagpulong na siya sa mga opisyal ng PCGG—sina acting Chairman Reynaldo Munsayac at Commissioners Rey Bulay at John Agbayani—na nagbigay sa kanya ng mga dokumento na may kaugnayan sa posibleng iregularidad.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Naglingkod si Bautista bilang PCGG chairman simula noong 2010 hanggang sa maitalaga siya sa pinakamataas na puwesto sa Comelec noong 2015.

Samantala, bumuo ng special team ang National Bureau of Investigation (NBI) para tutukan ang imbestigasyon sa umano’y tagong yaman ni Bautista.

Ang special team ay binubuo ng mga tauhan mula sa Intelligence Service at Investigative Service.

Sinabi naman ni Deputy Director at NBI Spokesman Ferdinand Lavin na hindi sila naglatag ng timetable sa pag-iimbestiga.

Malaki rin umano ang maitutulong ng Anti Money Laundering Council (AMLC) sa pagsisiyasat para masuri ang mga bank account ni Bautista at makumpirma ang mga impormasyong isinumite ng kanyang maybahay sa NBI.