Ni: Rommel P. Tabbad
Anim na buwang suspensiyon sa serbisyo ang ipinataw ng Office of the Ombudsman laban sa isang alkalde sa Antique dahil sa ilegal na demolisyon sa isang niyugan sa lalawigan noong 2014.
Paliwanag ng anti-graft agency, napatunayang nagkasala si Caluya Mayor Genevieve Lim-Reyes sa reklamong oppression, isang kasong administratibo.
Nag-ugat ang kaso nang iutos ni Reyes ang pagsasagawa ng clearing operation sa limang ektaryang coconut farmland sa Sitio Poocan sa Barangay Tinogboc noong Pebrero 2014.
Ipinatupad ang clearing operation upang bigyang-daan umano ang pagpapatayo ng housing project na lilipatan ng mga residente ng Sitio Sabang.
“Reyes failed to present any application from the Philippine Coconut Authority for the cutting of coconut trees or land conversion,” ayon sa Ombudsman.
Dahil dito, hiniling ng Commission on Human Rights (CHR) sa nasabing alkalde na ihinto ang paglilipat, pagpapaalis at pagpapagiba sa mga istruktura sa niyugan dahil sa kakulangan ng konsultasyon sa mga residenteng apektado ng proyekto.
Sa pasya ng Ombudsman, sinabi nitong “no sanggunian resolution supporting the housing project was presented as legal basis for respondent’s directive to clear and level the land. This reinforces the conclusion that the clearing operation was made without due process of law.”