WINALIS ng Team Philippines ang tatlong event na nilakuhan sa 2017 Asia Mountain Bike (MTB) Series kamakailan sa Tambunan, Sabah, Malaysia.

Dinomina ni Filipina top cyclist Ariana Thea Patrice Dormitorio ang mga karibal sa Cross Country Olympics (XCO) Women Elite category sa second leg ng karera na nagtatampok sa pinakamahuhusay na mountainbike rider sa rehiyon.

sabah MTB_1 copy

Tinapos ng 21-anyos mula sa Iloilo City ang 21-kilometer (4.4km x 5 laps) sa tyempong 1:25:49 para sa ikalawang sunod na leg title sa torneo na itinataguyod ng International Cycling Union.

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

Nagbunga ang walang humpay na ensayo ni Dormitorio, kasalukuyang No. 489 sa world ranking, para masundan ang unang panalo sa serye sa Yawatahama, Japan nitong Abril.

Bumuntot sa kanya sina Siti Aisyah Alias ng Majlis Sukan Pahang (7:29 ang layo) at Thailand national cyclist Siriluck Warapang (8:25 ang layo).

Kumabig din ang dalawang Pinoy rider sa kani-kanilang division sa 2.4-kilometer Final Run Downhill class.

Nanguna si Eleazar Barba Jr. ng Taokas Racing Team sa Men’s Elite category sa tyempong 3:58.54, kasunod sina Muhammad Aim Muhammad Fauzi ng SBS Giant Racing Team (4:07.43) at Norshahriel Halzat Ahmad Nazali ng AGS Racing/ Selangor (4:15.36).

Nagwagi naman ang nakatatandang kapatid na si Wendell Barba sa Men’s master A category sa tyempong 4:34:08. Sumegunda si Stanly Jalip Jr. ng Suzuka (15:41 ang layo) kasunod si Jali Lukas ng 88 Bikers Cycling Team (16:76 ang layo).

Ang iba pang nagwagi sa karera sa Cross Country event ay sina Kazakhstan’s Kiril Kazantsev (Men’s Elite), Australian Matthew Dinham (Men’s Junior), Kazakhstan’s Dimitriy Potapenko (Men’s Youth), Mohd Azri (Women’s Youth), Taiwan’s Yu Shuang Yen (Women’s Junior), Amir Sharin (Men’s Master A) at Nor Effandy Rosli in (Men’s Master B).

Ang Asia MTB Series ay isa sa torneo na may basbas ng International Cycling Union (UCI) na may layuning mapaaangat ang kalidad ng mga Asian riders at makasikwat ng puntos para sa world ranking na kailangan sa World Championship at Olympic Games.

Nakatakdang sumikad si Dormitorio sa Under-23 World Championships sa Cairns, Australia sa Setyembre.