NI: Mars W. Mosqueda, Jr.

CEBU CITY – Nasa 10 jail guard ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) ang inirekomendang sibakin sa puwesto at isailalim sa imbestigasyon makaraang masamsaman ng ilegal na droga ang kantina ng piitan kamakailan.

Inirekomenda ng CPDRC Task Force ang pagsibak sa puwesto sa mga jail guard makaraang madiskubre ang nasa 20 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P236,000, sa kantina ng bilangguan nang halughugin ito nitong Martes.

Isusumite kay Cebu Governor Hilario Davide III ang rekomendasyon ng task force.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Samantala, nagsagawa ang mga operatiba ng Cebu City Police Office (CCPO) ng biglang inspeksiyon sa Cebu City jail, kung saan nakapiit ang hinihinalang big-time drug pusher, na sinasabing may koneksiyon sa mga nagbebenta ng droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Sa pag-iinspeksiyon sa selda ni Archie Abellana pasado 11:00 ng umaga kahapon, bigo naman ang grupo mula sa Special Weapons and Tactics (SWAT) na makakuha ng matibay na ebidensiya sa sangkot sa bentahan ng droga si Abellana.