Ni: Ellalyn De Vera-Ruiz

Huwag palalampasin ang partial lunar eclipse, o ang pagdaan ng buwan sa likuran ng mundo, na magaganap sa gabi ng Agosto 7 hanggang madaling araw ng Agosto 8.

Sinabi ni Dario dela Cruz, hepe ng Space Sciences and Astronomy Section ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na ang partial lunar eclipse sa Lunes ay ang natatanging eclipse na masisilayan sa Pilipinas ngayong taon.

Sinabi niya na ang liwanag ng anino o penumbra ay lalabas na tila dilaw dakong 11:50 p.m., ng Agosto 7. Magdidilim ang buwan dahil sa anino ng mundo dakong 1:22 a.m., ng Agosto 8. Halos 25 porsiyento ng buwan ang didilim dakong 2:20 a.m. hanggang 3:18 a.m., at tanging ang penumbra ang makikita dakong 4:51 a.m.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Kapag maganda ang panahon, masasaksihan ang eclipse sa alinmang bahagi ng bansa, ani dela Cruz.

Masisilayan din ito sa western Pacific Ocean, Oceania, Australasia, Asia, Africa, Europe, at dulong silangan ng eastern South America.

Sa Manila, aangat ang buwan dakong 6:03 p.m. ng Agosto 7 at lulubog dakong 5 a.m. ng Agosto 8.

Ligtas panoorin ang lunar eclipse, kayat hindi na kailangang gumamit ng anumang protective filter para sa mata.

Samantala, magaganap ang total eclipse ng buwan sa Agosto 21 hanggang 22 ngunit hindi ito masisilayan sa Pilipinas.

Masasaksihan lamang ito sa Hawaii, sa America maliban sa katimugan ng South America, Westernmost Europe, at West Africa.

Ngayong buwan, ayon sa PAGASA, ay ang pinakapopular na panahon ng taon para manood ng meteor showers.

Kapag naging malinaw ang kalawakan, masasaksihan ang pamosong Perseids meteor shower sa pinakasukdulan nito sa hatinggabi at madaling araw ng Agosto 12-13. May 50 o mahigit pang meteors ang makikita sa peak time.

Ang Perseids meteor shower ay nagmumula sa constellation na Perseus, na matatagpuan sa silangan ngayong buwan.