Ni: Betheena Kae Unite

Ilang piraso ng iPhone 7, na nagkakahalaga ng P2.7 milyon, ang nasamsam ng Bureau of Customs (BoC) mula sa isang pasaherong Chinese na bigong magpakita ng import permits.

Hinarang ng awtoridad si Wen Congkai nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Hulyo 21 dahil sa iregularidad na nakita sa kanyang bagahe nang isailalim sa x-ray examination, base sa naantalang ulat mula sa tanggapan.

Nang inspeksiyunin, aabot sa 61 piraso ng iPhone ang natagpuan sa loob ng bagahe ni Congkai.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kinumpiska ang mga nasabing unit nang mabigo si Congkai na magpakita ng import documents, kabilang ang permit mula sa National Telecommunications Commission (NTC).

Agad inirekomenda ni Maj. Jaybee Raul Cometa, head ng X-Ray Inspection Project (XIP) Unit, ang pag-iisyu ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa paglabag sa NTC memorandum circular at sa Customs Modernization and Tariff Act.