Ni: Jeffrey G. Damicog

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang mataas na opisyal ng Metrobank sa pagtatangkang ibulsa ang P2.25-milyon loan payment ng isa sa mga pangunahing corporate client nito.

Kinilala ni Deputy Director Ferdinand Lavin, tagapagsalita ng NBI, ang suspek na si Maria Victoria Lopez, corporate management head ng Metrobank, na tumatanggap ng P250,000 monthly compensation mula sa nasabing bangko.

Inaresto si Lopez sa entrapment operation ng Anti-Fraud Division (AFD) ng NBI sa Makati City nitong Lunes.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Ayon kay Lavin, nitong Martes ay kinasuhan na si Lopez ng qualified theft, falsification at paglabag sa General Banking Law, sa Makati City Prosecutor’s Office.

Sa ngayon, siniguro ni AFD head Irwin Garcia na nagsasagawa ng imbestigasyon ang NBI at ang bangko upang malaman kung magkano na ang naibulsang pera at kung may kasabwat si Lopez.

Ayon kay NBI Agent Norman Aguirre, may hawak ng kaso, nadiskubre ng bangko ang iregularidad noong Hunyo 30 nang magkaroon ng letter request upang mag-isyu ng P2.25 milyon manager’s check sa isang individual payee, gayung ang nasabing tseke ay para lamang sa corporate clients.