GINAPI ng Bangko-Perlas, sa pangunguna ni star spiker Nicole Tiamzon, ang University of the Philippines sa makapigil-hininga at emosyunal na duwelo sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference nitong Miyerkules sa The Arena sa San Juan.
Hindi maipaliwang ni Tiamzon ang damdamin na durugin ang koponan na pinaglaruan niya sa UAAP, ngunit mas nanaig ang determinasyon niya na gabayan ang Perlas tungo sa 30-28, 21-25, 25-21, 25-18, panalo.
“I don’t know what to feel,” sambit ni Tiamzon. “I mean, naglalaban naman kami before sa training, pero ‘yung sabihin mong live game, this is the first time na nangyari.”
Sa kabila ng malakas na hiyawan ng UP fans, parang diesel na nag-init ang opensa ni Tiamzon.
Hindi naman masyadong nadama ang pagkawala ni star player Alyssa Valdez para magaan na gapiin ng Creamline ang Power Smashers,25-22, 25-21, 25-22.
Nanguna si Jia Morado sa Creamline sa nagawang 62 set para sandigan ang koponan na pansamantalang iniwan ni Valdez na kabilang sa Philippine Team na nagsasanay sa Japan.
“I think there was a lot of adjustment going on. Hindi naman pwede na dahil wala si Ate Ly, mawawalan kami ng aasahan sa loob ng court,” ayon kay Morado.
Nanatiling malinis ang karta ng Creamline sa limang laro sapat para makopo ang unang upuan sa semifinals.