Ni: Bert de Guzman

NAIS ng mga biyuda ng SAF commandos na papanagutin at mabilanggo si ex-Pres. Noynoy Aquino (ex-PNoy) dahil sa brutal na pagkamatay ng kanilang mga ginoo na kabilang sa 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na parang nakaupong mga bibe (sitting ducks) na pinagbabaril ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at ng mga armadong grupo sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Kabilang sa mga balo ng SAF commando na humihingi ng katarungan sa pamamagitan ng pag-uusig kay ex-PNoy ay sina Melanie Duque, ginang ni PO3 Andres Duque, Merlyn Gamutan, balo ni Senior Insp. Joey Gamutan, Kristine Clemencio, asawa ni PO1 Mark Lory Clemencio, Dr. Christine Cempron, balo ni PO1 Romeo Cempron. Hindi lang ang mga biyuda at mga kaanak ng magigiting na SAF 44 ang gusto na magkaroon ng “closure” ang Mamasapano tragedy na ikinamatay ng kabataang mga pulis kundi ang buong bayan.

Kung hustisya ang hangarin ng sambayanang Pilipino sa pagkamatay ng 44 SAF commandos na isinisisi kina ex-PNoy, ex-PNP chief Alan Purisima at ex-SAF Director Getulio Napeñas, inaasam at dinarasal din ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng sapat na kuryente sa bansa. Batid ng bawat Pinoy na ang Pilipinas ay nangangailangan ng mas maraming supply ng kuryente.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa totoo lang, noong 2016, ilang beses tayong nakaranas ng yellow alert, ibig sabihin ay hindi malaki ang reserba sa enerhiya. Kumpara sa Singapore na mas maliit sa ‘Pinas, ito ay may reserbang 50% ng available capacity kaya malusog ang kanilang ekonomiya. Wala nito sa ating bayan. Tanda pa ba ninyo na noong 1990s ay madalas mawalan ng kuryente dahil ‘di sapat ang supply? Malamang na maulit ito kung kulang tayo sa paghahanda. Dapat pagsikapan ng Duterte administration na magkaroon ng sapat na supply ng kuryente at sapat na reserba.

Nais ng pamahalaan na magkaroon ng additional energy capacity at surplus, pero may mga grupo na humaharang dito.

Mahigit sa 90 ang nakabimbing power supply agreements sa Energy Regulatory Commission (ERC) na isang taon nang hindi naaaksiyunan. Isinusulong ni Pangulong Duterte ang Build, Build, Build programs, ngunit wala namang inaatupag ang ilang militant at consumer groups kundi ang harangin ang mga proyektong pang-enerhiya.

Well, saan kukuha ng supply ang bansa kapag nagtagumpay ang grupo ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na mahinto ang pagtatayo ng mga power plant dahil ang karamihan daw ay coal plants. Alam ba ni Zarate at mga kasama na mismong ang mga residente na pagtatayuan ng mga planta ang humihiling na itayo ang mga ito. Halimbawa ay ang taga-Atimonan, Quezon na nagpunta pa sa ERC at nakiusap na ituloy ang proyekto?

Itanong nga natin kay Zarate ang ganito: “Kung ito’y makasasama, eh bakit mismong taga-Atimonan ang nais itayo ang mga planta sa kanilang lugar gayong ang humaharang ay hindi naman tagaroon?” Walang duda, malaki ang gampanin ng kuryente sa pag-unlad ng bansa. Lahat ay makikinabang kapag sapat ang kuryente, walang brownout, walang dilim, walang init, walang... perhuwisyo. Lahat ng kasangkapang de-kuryente ay gagana.

Dapat nang aksiyunan ang nakatenggang supply agreements sa ERC, huwag intindihin ang mga ingay at protesta ng mga grupo na wala namang ibinibigay na alternatibo. Ang tanging hangarin ay itigil ang pagtatayo ng mga planta ng kuryente sa dahilang hindi naman katanggap-tanggap. Sino sa tingin ninyo ang magdurusa kapag nagtagumpay ang mga kontrabidang grupo sa pagharang sa pagtatayo ng mga planta?

Alam ba ninyong nasa Region 1 o Ilocos Region ang may pinakamaraming tao na ang edad ay 100 o higit pa? May 584 na centenarian ang hanggang ngayon ay naninirahan pa sa iba’t ibang lugar sa Rehiyon 1. Sinasabing ang sikreto raw ng mahabang buhay ay dahil sa pagkain ng saluyot at pagngata ng “nganga” (betel nuts). Ano pa ang ginagawa natin, bumili na tayo ng saluyot at iba pang gulay upang humaba ang buhay!