WASHINGTON (Reuters) – Ang United Arab Emirates ang nag-utos ng hacking sa social media at news sites ng gobyerno ng Qatar noong Mayo para magpaskil ng mga pekeng pahayag na iniugnay sa emir ng Qatar, at naging dahilan ng diplomatic crisis, iniulat ng Washington Post nitong Linggo, binanggit ang U.S. intelligence officials.

Sa mga ulat noong Mayo, sinipi ang emir, si Sheikh Tamim bin Hamad al-Thani, na pinupuri ang Hamas at ang Iran bilang “Islamic power,” iniulat ng Post.

Bilang tugon, pinutol ng Saudi Arabia, UAE, Egypt at Bahrain ang diplomatic at transport ties sa Qatar noong Hunyo 5, sa akusasyong sinusuportahan nito ang terorismo.

Nagpaliwanag noon ang Qatar na mga hacker ang nagpaskil ng mga pekeng pahayag ng emir, ngunit hindi ito tinanggap ng Gulf states.

Internasyonal

Pinay tourist sa Taiwan, nabangga ng tren habang nagpipicture

Iniulat ng Post na nalaman ng U.S. intelligence officials nitong nakaraang linggo ang tungkol sa bagong impormasyon na tinatalakay ng matataas na opisyal ng UAE ang planong pangha-hack noong Mayo 23 , isang araw bago ito nangyari.

Sinabi ng mga opisyal na hindi pa malinaw kung ang UAE ang nag-hack ng mga website o nagbayad para isagawa ito, iniulat ng pahayagan. Hindi pinangalanan ng Post ang intelligence officials na nakausap nito para sa ulat.

Itinanggi ni UAE Ambassador Yousef al-Otaiba ang ulat sa isang pahayag, iginiit na “false” ito, ayon sa Post.

Tumangging magsalita ang U.S. State Department.