Ni: Yas D. Ocampo

DAVAO CITY – Kinondena ng Police Regional Office (PRO)-11 ang pagdukot kay PO1 Alfredo Sillada Basabica Jr. makaraang harangin ng hinihinalang New People’s Army (NPA) sa isang pekeng checkpoint sa Barangay Panansalan, Compostela Valley nitong Martes.

Sa isang pahayag, sinabi ni PRO-11 Director Chief Supt. Manuel Gaerlan na tinutuligsa ng pulisya ang pagdukot sa isang pulis habang sinisikap ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NDFP) ang magkaroon ng kasunduang pangkapayapaan.

Nakatalaga si Basabica sa 2nd Platoon ng Davao Oriental Public Safety Company sa Bgy. Aliwagwag, Cateel, Davao Oriental.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dinukot siya nitong Hulyo 11 ng mga armado habang sakay sa Malen Bus (LWV-181) na minamaneho ni Michael Bitan-ag habang patungo sa Compostela Valley.

Pinahinto ang bus ng mga armadong nakasuot ng military uniform habang nagsasagawa ng checkpoint sa Kilometer 26 sa Bgy. Panansalan, Compostela Valley.

Nagpanggap umanong sundalo ang mga rebelde at humingi ng ID, ngunit nang iabot ng pulis ang kanyang ID ay puwersahan siyang pinababa sa bus.

Ayon kay Davao Oriental Police Provincial Office director Supt. Harry Espela, pinayagang magbakasyon si Basabica upang ayusin ang ilang dokumento kaugnay ng nalalapit nitong kasal bago matapos ang buwang ito.