Ni: Mina Navarro at Bella Gamotea

Pinapayuhan ng Department of Public Works and Highways-National Capital Region (DPWH-NCR) ang mga motorista na umiwas sa mga pangunahing kalsada sa Quezon City, Pasig City at Caloocan City dahil sa muling pagkukumpuni at re-blocking na sinimulan kahapon.

Sa ulat ni DPWH-NCR Director Melvin Navarro kabilang sa mga apektadong kalsada sa Quezon City ang ikalawang lane ng EDSA southbound, ang ikalawang lane ng Quirino Highway, ikatlong lane ng westbound ng Congressional Avenue, at southbound ng A. Bonifacio Avenue.

Kinukumpuni sa Pasig ang northbound ng C-5, gayundin ang McArthur Highway malapit sa Monumento Circle sa Caloocan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Navarro, muling bubuksan sa motorista ang mga nasabing kalsada ganap na 5:00 bukas, Hulyo 10.

Kasabay nito, nag-abiso rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay ng bike parade ng Philippine National Police (PNP) at National Bicycle Organization (NBO) simula 12:00 ng umaga hanggang 7:00 ng umaga ngayong Linggo, mula sa Rizal Park sa Maynila hanggang sa Camp Crame sa Quezon City.

May motorcade rin ang Motorcycle Rights Organization mula 5:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga simula sa White Plains (northbound) hanggang North Avenue U-turn slot at pabalik sa southbound EDSA Ortigas Avenue U-turn slot papuntang White Plains.