Ni: Czarina Nicole O. Ong

Nahaharap si Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II sa kasong breach of conduct makaraang sampahan kahapon ng grupo ng mga lider kabataan ng reklamo sa Office of the Ombudsman kaugnay ng paglalabas umano ng fake news.

Hiniling nina Shamah Bulangis, Karla Michelle Yu, Andrei Kristian Buendia, Anna Marie Mercaldi, Ma. Ana Fatima Tolentino, Nikki Masibay Nicolas, Julie-Ann Kris Corridor, Rae Emmanuel Echaveria, at Jonna Feliz Roldan, ng Millenials Against Dictators, sa Ombudsman na imbestigahan si Aguirre sa pagsasabing ilang pulitiko sa bansa ang nasa likod ng krisis sa Marawi City, na mahigit 400 na ang nasasawi sa ngayon.

Hunyo 7, 2017 nang iulat ni Aguirre na nagpulong ang mga kaalyado ni dating Pangulong Benigno Aquino III na sina Senators Bam Aquino at Antonio Trillanes IV, kasama si Magdalo Rep. Gary Alejano at adviser na si Ronald Llamas, sa Lake View Resort Hotel kasama ang ilang kilalang pamilya sa Marawi at mga Moro. Iniugnay pa ng kalihim ang nasabing pulong sa isang litrato na kumalat sa social media.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kanilang reklamo, iginiit ng mga kabataan lider na ang litratong tinukoy ni Aguirre ay kuha noong Hunyo 7, 2015 sa Iloilo Airport.

Bagamat sinabi ni Aguirre na “confused” siya sa natanggap niyang intelligence information, iginiit ng mga lider kabataan na hindi ito ang unang beses na naglabas ng maling report ang kalihim.